191 total views
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, kanino man ang ating sinusunod na kalooban ay dito tayo nagiging kasapi bilang pamilya.
“Iyong sinusunod ninyong kalooban, iyon ang pamilya ninyo! Iyong nagtutulak sa inyo, ‘lika mag-lasing tayo magdamag, magsugal, umo-o ka naman, iyan ang pamilya mo. Sasabihin sa’yo ng kabarkada mo, huwag tayong mag-aral mag-goodtime tayo meron naman tayong kodigo i-share ko sa yo sa exam, talaga sige!’ Yan ang pamilya mo,” bahagi ng homilya ni Cardinal Tagle.
Ang pahayag ni Cardinal Tagle ay kaugnay sa misa nobenaryo sa nakatakdang kapistahan ni St. Anthony de Padua na ipagdiriwang sa ika-13 ng Hunyo na ginanap sa St. Anthony Parish sa Singalong, Manila.
Ayon pa pagninilay ni Cardinal Tagle sa pagbasa sa araw na iyon, maganda ang plano ng Panginoon sa lahat, ang isang magandang pamilya na nagkakasundo at ito ay kung susundin ang kalooban ng Diyos.
“Meron nag-offer sa’yo ng deal, ‘sabihin mo di ba bawal ‘yan. Malakas ako kaya natin ‘yan. Yan ang pamilya mo! Ang apelyido ninyo ‘corrupt’. Sabi sa’yo ng boss mo, ‘Sige lapastanganin ‘yan, saktan ‘yan, pati rin ‘yan. Patayin ‘yan! Yan ang pamilya mo!’ Kasi iyong kalooban nila ang sinusunod,” bahagi ng homilya ni Cardinal.
Inihalimbawa ni Cardinal Tagle si San Antonio na sinunod ang kagustuhan ng Diyos na bagama’t bahagi na ng mga Agustino ay umanib sa mga Franciscan para magturo at nanatiling mapagkumbaba sa kabila ng kahusayan ay nanatili ang pagkalinga sa mga dukha.
Pinaalalahanan din ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na pangalagaan ang kanilang pamilya hindi lamang pagbibigay ng kanilang pangangailangan kundi ang pagtuturo ng pakikinig sa Diyos, pagtupad sa kaniyang kalooban at katuwang sa pagbuo ng isang malaking pamilya ng Panginoon.
“Nabibitbit natin ang ating mga anak sa mall sa sinehan, sa kainan, bitbitin ang mga bata sa misa, sa bible study, sa katesismo sa pagtulong sa kapwa diyan gaganda ang pamilya. At palawakin natin ang pag-unawa sa pamilya hindi lamang dugo. Kahit hindi kadugo kung tayo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos kapatid natin siya, walang deskriminasyon, hindi dahil hindi ko yan kadugo, hindi ko na siya responsibilidad. Habang pinatatag ang ‘nuclear family’ binubuksan din ang pintuan ng pamilya para lahat ng kapwa ng tao ay kapamilya ko,” ayon pa kay Cardinal Tagle.