412 total views
Inatasan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mga parokya ng arkidiyosesis na mahigpit na pakikipag-ugnayan sa nalalapit na pagdiriwang ng mga Mahal na Araw.
Sa inilabas na liham sirkular ng Arsobispo, pinaalalahanan nito ang mga pari na sundin pa rin ang mga protocol na pinagkasunduan ng simbahan at lokal na pamahalaan.
Ayon pa kay Archbishop Palma, bagamat maluwag na ang quarantine restrictions sa malaking bahagi ng bansa ay mahalaga ang pag-iingat lalo’t may banta ng ‘deltacron’ variant ng COVID-19.
Kabilang sa dapat isaalang-alang ng mga parokya ang constant cooperation and collaboration sa mga LGUs; sanitation ng mga parish churches; seating capacity ng mga simbahan; mga panuntunan sa mga gawain sa Semana Santa; at ang maihigpit na pagsunod sa safety protocol.
Sa kasalukuyan pinahihintulutan ng mga LGU ng Cebu ang 75-percent seating capacity sa loob ng mga simbahan habang magpapatupad ng physical distancing sa labas ng mga bahay dalanginan.
Pahihintulutan rin ng Archdiocese ang mga traditional na gawain tuwing Semana Santa tulad ng prusisyon at iba pa.
“This year however, we allow said activities [foot processions, Via Crucis] and be ever mindful of the health protocol, namely, the wearing of face mask and observing physical distancing at all times,” bahagi ng liham sirkular ni Archbishop Palma.
Kinakailangang aprubado ng lokal na pamahalaan ang ruta na dadaanan ng mga prusisyon para sa mas maayos na pagpapatupad ng safety protocol habang mahigpit na ipinagbabawal ang pagbitbit sa ‘Andas’ sa halip isakay na lamang ito sa sasakyan.
Umaasa si Archbishop Palma na maging makabuluhan ang pagdiriwang sa Paschal Triduum ngayong pinahihintulutan na ang pisikal na pagdalo sa mga simbahan at makatutulong na mapalalim ang pananampalataya ng mamamayan.
“May our observance of the Lenten season and the Paschal Triduum deepen our faith and lead us to an authentic renewal of mind and heart,” dagdag ng Arsobispo.