210 total views
Binigyang diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na hindi solusyon ang pagsuspinde o pagpapatigil sa mga pribilehiyo ng mga bilanggo sa patuloy na pagpasok ng droga sa mga bilangguan.
Pinayuhan ni Bro. Rudy Diamante – Executive Secretary ng komisyon si BuCor Director Nicanor Faeldon na gamitin ang kanilang intelligence fund upang masawata ang iligal na gawain sa mga bilangguan.
Iginiit ni Diamante na dapat bigyang konsiderasyon ng BuCor ang kapamilya ng mga bilanggo na dumadalaw sa mga bilangguan na nagmula pa sa mga malalayong lugar .
“Hindi talaga solusyon yung pag-suspend ng privileges nung mga dalaw because it’s not going to solve anything, what is important is for Faeldon (BuCor Director General Nicanor Faeldon) to use yung kanyang intelligence fund to identify kung saan nanggagaling yung contraband, alleged contraband na pumapasok because if you suspend the privileges of the prisoners kawawa yung mga pamilya na dumadalaw especially very abrupt yung pag-suspend niya kasi there was not even a warning immediately sinuspend niya lahat…” pahayag ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Diamante na mahalaga ang dalaw para sa mga bilanggo na malaking tulong sa kanilang pagbabago at pagbabalik loob.
Naniniwala si Diamante na hindi matutukoy sa naturang pamamaraan ang tunay na dahilan o pinagmumulan ng mga kontrabandong nakakapasok sa mga bilangguan.
“Mahalaga yung dalaw sa mga inmates, pati yung pagpasok ng mga volunteers yung services practically isolating the entire colony from visitors and from their families which with not solve, what is unfortunate about it is it will not identify kung sino ang nagpapasok ng contraband, so mahalaga meron silang ibang pwedeng pamamaraan na yun nga gamitin nila yung intelligence fund na ang laki-laki…” Dagdag pa ni Diamante.
Kasunod ng kautusan ni BuCor Director Faeldon na suspendihin ang visiting privileges at recreational activities ng mga bilanggo sa pitong penal colonies sa buong bansa ay nilinaw naman ng Department of Justice (DOJ) na pansamantala lamang ang hakbang upang mabigyan ng panahon ang BuCor na makapagsagawa ng naaangkop na solusyon sa problema.
Batay sa tala, mahigit sa 45,000 ang bilang ng mga bilanggo sa pitong penal colonies sa bansa kung saan kinansela ang visiting privileges at recreational activities na kinabibilangan ng New Bilibid Prison, Correctional Institution for Women, Davao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan, San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga, Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro at Leyte Regional Prison.
Naunang umapela si Diocese of Legazpi, Albay Bishop Joel Baylon – Chairman ng komisyon sa Bureau of Corrections na humanap ng ibang paraan na masolusyunan ang problema ng smuggling ng mga kontrabando sa mga bilangguan.