454 total views
Nananatili ang paninindigan ng Diyosesis ng Balanga laban sa napipintong pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) na muling susuriin ng administrasyon ang pagbuhay sa BNPP upang mapagkunan ng enerhiya ng bansa.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, sa halip na buhayin at isulong ang nuclear power ay dapat pagtuunan ng administrasyon ang masusing imbestigasyon sa maanomalyang pagpapatayo ng BNPP noong panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Pinayuhan ng Obispo ang pamahalaan na patuloy na isaalang-alang ang kaligtasan ng mamamayan at kalikasan lalo’t nakatayo ang BNPP malapit sa aktibong bulkan at fault line.
“Let us remember that it has never been operated on. It was mothballed. Previous studies and accepted facts that there were prevalent issues of corruption, safety, and deadly risk as it sits on an active volcano which is Mount Natib and along the Lubao fault,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit naman ng Obispo na kailanma’y hindi makakatulong sa ekonomiya at enerhiya ng bansa ang nuclear power dahil kaakibat nito ang panganib sa kalusugan ng tao at kapaligiran.
Samantala, tinutulan din ni Franciscan Father Angel Cortez ang magkasalungat na layunin ng pamahalaan hinggil sa pagtugon sa lumalalang climate change at krisis sa enerhiya ng bansa.
Ayon sa pari, magandang pakinggan na mayroong mga pangako at plano ang pamahalaan para sa ikabubuti ng mamamayan at kalikasan ngunit nakababahalang may ilan pa ring hindi maisantabi para sa pansariling kapakanan.
Iginiit ni Fr. Cortez na hindi ganap na matutugunan ng pamahalaan ang epekto ng pagbabago ng klima ng kapaligiran kung patuloy pa ring isusulong ang paggamit sa marumi at mapanganib na enerhiya.
Sinabi ng pari na mas makabubuting isantabi na lamang ng administrasyon ang pagbuhay sa BNPP at sa halip ay paglaanan ng mas malaking pondo ang pagpapaigting sa pagsusulong sa renewable energy.
“Hindi rin talaga solusyon ang paggamit sa nuclear energy kasi alam naman natin ‘yung nangyari sa Japan noon tsaka sa ibang mga bansa na gumamit ng nuclear na talagang lubhang naapektuhan ang mga tao pati ang kapaligiran” ayon kay Fr. Cortez sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang sinabi rin ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA na kaunahan sa climate agenda ng administrasyon ang pagsusulong sa renewable energy kasabay ng hangaring buhayin ang BNPP.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay gumagamit ng renewable energy sources kabilang na ang hydropower, geothermal at solar energy, wind power at biomass resources.