333 total views
Mga Kapanalig, naganap noong unang linggo ng Oktubre ang World Congress on Child Dignity in the Digital Age sa Roma sa Italya, kung saan tinalakay ang mga isyung kinahaharap ng ating mga kabataan sa kanilang paggamit ng internet.
Kabataan ang mahigit sa 25% ng 3.2 bilyong taong gumagamit ng internet sa buong mundo. Sa maikling salita, isa sa apat na taong may access sa internet ay nasa edad na kailangan pang gabayan. Dito sa Pilipinas, ayon sa Survey on Cyberspace na ginawa ng Stairway Foundation at nilahukan ng mahigit 2,000 bata noong 2015, sinasabing 90% ang gumagamit ng internet para sa kanilang pag-aaral, para makapaglaro ng mga internet games, at makipag-usap sa kanilang mga kaibigan. Ngunit nakababahalang kalahati sa mga lumahok sa survey ang nagsabing walang nagpapaalala sa kanila tungklol ng mga panganib ng paggamit nila ng internet.
Sa isang banda, masasabing nakatutulong ang internet sa mga kabataan dahil nakakakuha sila ng impormasyong kailangan nila sa pag-aaral, nakapagsasabi sila ng kanilang saloobin kapag nakikipag-usap sa kanilang mga kaibigan sa social media, at nakapaglilibang sila. At sa ganitong paraan, naisusulong ang karapatan ng mga bata.
Sa kabilang banda, may potensyal din ang internet na ipahamak ang mga gumagamit nito, kabilang ang mga bata. Nariyan ang paggamit sa internet para sa cybersex na bumibiktima sa mga kabataan. Lantad din ang mga bata sa mga maling impormasyon at malisyosong balita (na tinatawag nga natin ngayong “fake news”) na nakaiimpluwensiya sa pag-iisip at pag-uugali ng ating kabataan. Malubhang problema rin ang pagkalat ng pornograpiya at terrorist propaganda. Nagiging daan din ang internet para sa cyberbullying gayundin sa child trafficking, kung saan kinukuha ang mga bata upang gamitin sa prostitusyon o child labor. Nilalabag ng lahat ng ito ang karapatan ng mga bata.
Nababahala si Pope Francis sa mga isyung ito, kaya’t sinabi niyang dapat gawing prayoridad ng lahat ang pangangalaga sa mga kabataan laban sa mga negatibong epekto ng paglahok nila sa tinatawag na “digital world” na nangyayari kapag gumagamit ang ating mga kabataan ng internet. Binigyang-diin din niyang sang-ayon ang Simbahang Katolika sa Target 16.2 ng Sustainable Development Goals ng United Nations na naglalayong itigil ang lahat ng anyo ng pang-aabuso, pananamantala, trafficking, at iba pang anyo ng pagpapahirap sa mga bata. Gaya ng sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahan, “Dapat pangalagaan ng mga legal na sistema ang dignidad at karapatan ng mga bata sapagkat walang makapapantay sa halaga ng mga bata sa buong pamilya ng sangkatauhan.”
Mga Kapanalig, milyung-milyong bata ang naging biktima na ng mga pang-aabusong nagaganap sa digital world o internet. Walang panahong dapat aksayahin upang mailigtas sila laban sa mga peligrong ito. Hindi lamang teknikal na pagtugon ang kailangan. Mahalaga ang masusing pagtingin sa mga etikal at moral na aspeto ng paggamit ng internet. Hinihimok tayo ng Santo Papa na itaas ang kamalayan ng ating mga kabataan, pati na rin ng publiko, tungkol sa malulubhang panganib na dala ng iresponsableng paggamit ng internet. Kailangan ng komprehensibong pagtuturo sa ating kabataan tungkol sa kung papaano magagamit ang internet sa paraang makabubuti para sa kanila at sa kanilang kapwa. Kailangan silang turuan kung papano maiiwasang maging biktima ng mga krimeng gumagamit ng internet, at kung saan dudulog kapag nalabag ang kanilang karapatan. Makatutulong din ang mga batas na mangangalaga sa karapatan ng mga bata habang gumagamit sila ng internet.
Higit sa lahat, mga Kapanalig, tungkulin ng mga magulang na tiyaking hindi mapapahamak ang kanilang mga anak habang gumagamit sila ng internet. Hindi ito nangangahulugang pipigilan na natin silang mag-surf, makipag-chat, o manood ng video sa internet. Paglalaan natin ng panahon ang pakikipag-usap sa mga bata, at walang pagod na paalalahanan silang mag-isip bago mag-click.