2,244 total views
Tiniyak ng social action and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pakikiisa ng Simbahang Katolika sa pagsusulong ng ‘Gender Equity and Inclusivity’ sa lipunan.
Ito ang bahagi ng pahayag ni Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa naganap na online Meaningful Conversation 2 na inorganisa ng Caritas Philippines Academy upang talakayin ang paksang ‘Embracing Equity’ bilang paggunita ng International Women’s Day.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace, magkakaroon lamang ng isang ganap at tunay na holistic community development sa isang bansa kung ang bawat kasapi ng lipunan ay napoprotektahan at napapangalagaan partikular na ang mga kabataan at ang mga kababaihan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na kaakibat rin ng pagkakaroon ng isang holistic community development ang pagkakaloob ng patas na opurtunidad sa lahat upang maibahagi at malinang ang kanilang mga potensyal at kakayahan bilang indibidwal.
“At Caritas Philippines, we believe that holistic community development can only happen when women, children and the youth are protected, nurtured and given sufficient access to resources and capacity building opportunities. As an organization founded on Christian Gospel values we are committed to ‘Promoting Gender Equity and Inclusivity in a work place” Ang bahagi ng pahayag ni Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Ibinahagi rin ni Bishop Bagaforo ang isa sa mga programa ng Caritas Philippines para sa mga kababaihan sa iba’t ibang mga parokya at diyosesis sa bansa na tinagurian SHeG Program.
Ayon sa Obispo, layunin ng SHeG Program na nangangahulugan ng Self-Help Group Program na mabigyang kalakasan ang mga kababaihan partikular na ang mga ina sa pagkakaloob ng kaalamang pangkalusugan at economic development.
“We also have programs at the diocesan and parish levels such as our SHeG Program, SHeG is an acronym for Self-Help Group exclusively for women membership especially mothers or wives. This program empowers women to re-economic development and we have in parishes also that address the needs of our women and our mothers an inclusive program on health and nutrition.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Tema ng 2023 Women’s Month Celebration ang “WE for Gender Equality and Inclusive Society” na naglalayong higit na maisulong ang pagkapantay-pantay ng pagtingin at pagtanggap sa lahat ng kasarian sa lipunan partikular na sa mga kababaihan na kadalasang isinasantabi at itinuturing na mahina dahil sa kanilang kasarian.