184 total views
Suportado ng isang Kongresista ang patuloy na paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsugpo ng pang-aabuso ng mga minahan sa Pilipinas.
Ayon kay Ifugao Lone District Representative Teddy Brawner Baguilat, matagal nang isinusulong ng kanyang grupo ang pagprotekta sa kalikasan at ang pagpapasara sa mga minahan na nagdudulot rin ng pagkakawatak-watak ng mga komunidad.
Dahil dito, sinabi ni Baguilat na ipagpapatuloy nila ang pagsusulong ng Green Bills at ang pag- amyenda sa Mining Act of 1995 upang mapaigting ang pangangalaga sa kalikasan.
“Yung sa issue of mining talagang support ako sa panukala ng Pangulo na baguhin natin yung mga batas, yung kanyang batikos sa mining industry yun naman ang aming ipinaglalaban noon pa,” bahagi ng pahayag ni Baguilat sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito binalaan na rin ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga kumpanya ng minahan na sumunod sa panuntunan ng kanyang ahensya o tuluyan nang ipatitigil ang kanilang operasyon.
Ayon kay Cimatu, bagamat pinahihintulutan ng batas sa Pilipinas ang mga mining explorations, ay hindi naman ito dapat samantalahin ng mga minahan.
Nangako din si Cimatu na titiyakin nitong mapoprotektahan ang mga komunidad na inaabuso ng mga minahan at mapangangalagaan ang kabutihan ng nakararami.
“I will be visiting some mining companies in Mindanao yung mga pinakitang pictures na destroyed yung environment, we’ll take action of that, immediately,” bahagi ng pahayag ni Cimatu sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, sinabi nni Cimatu na pinag-aaralan nitong mabuti ang naunang mining audit na pinamunuan ni Former DENR Secretary Gina Lopez.
Matatandaang sumailalim ang 41 minahan sa pagsusuri ng auditing teams na binuo ng DENR, civil society groups, kinatawan ng mga apektadong komunidad, mga eksperto at kinatawan ng simbahan.
Sa naunang audit, 23 minahan ang inirekomendang ipasara ni Lopez dahil sa matinding pagkasira na idinudulot nito sa kapaligiran.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, kinondena ni Pope Francis ang mapanirang industriya ng pagmimina na ginagawa ng mga multinasyonal na kumpanyang mula sa mga maunlad na bansa o First World Countries.(Yana Villajos)