13,972 total views
Pumanaw na sa edad na 69 na taong gulang ang kilalang peace advocate na si Redemptorist Fr. Amado “Picx” Picardal, CSsR.
Ayon kay Rev. Fr. Edilberto Cepe, C.Ss.R.- provincial superior ng Redemptorist Province of Cebu, namayapa si Fr. Picardal kasabay ng ika-47 anibersaryo ng kanyang religious profession noong ika-29 ng Mayo, 2024 bagamat hindi na idinetalye pa ng kongregasyon ang iba pang impormasyon.
Binigyang pagkilala naman ni Fr. Cepe at ng Redemptorist Province of Cebu ang paninindigan ni Fr. Picardal sa pagsusulong ng kanyang adbokasiya na may kaugnayan sa kapayapaan at katarungang panlipunan sa bansa.
“Fr. Picx was a brilliant and courageous missionary. He was a passionate advocate of peace and social justice and a professor of theology who has touched and transformed the lives of many.” pagbabahagi ni Fr. Cepe.
Nakilala si Fr. Picardal sa kanyang matapang na pagdokumento at pakikibahagi sa pagsusulong ng katarungan kaugnay sa mga pagpaslang na nagaganap sa Davao City, partikular na sa tinaguriang Davao Death Squad (DDS) kung saan noong 2017 ay gumawa ng isang detalyadong pagtatala ang Pari kaugnay sa mga nasabing karahasan na may kaugnayan sa DDS mula taong 1998 hanggang 2015 na kabilang sa mga impormasyong ipinasa sa International Criminal Court (ICC) hingil sa human rights violations na nagaganap sa bansa.
Nakilala at tinagurian din si Fr. Picardal bilang “biking priest” kung saan sa pamamagitan ng pagbibisikleta sa iba’t ibang lugar sa bansa ay kanyang isinuslong ang kanyang mga adbokasiya sa kapayapaan at katarungang panlipunan para sa bawat mamamayan.
Ipinanganak si Fr. Picardal noong October 6, 1954 at naordinahang Pari noong April 24, 1981 kung saan kayang mariing isinulong ang pagkakaroon ng kapayapaan at katarungang panlipunan sa bansa, nagsilbi rin si Fr. Picardal bilang dating executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Basic Ecclesial Community Committe na ngayon ay isa ng Episcopal Commission.