405 total views
MANILA – Kahibangan ang pagsusulong at pagtatag ng ‘Revolutionary Government ng ilang taga-suporta ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., isa sa 1987 Constitutional Framers, kahibangan ang planong pagtatatag ng revolutionary government kung saan si Pangulong Duterte din ang ilalagay bilang pinuno sa bagong gobyerno.
Paliwanag ng obispo, bukod sa labag sa Konstitusyon ng Pilipinas ang pagtatag ng revolutionary government ay hindi rin ito napapanahon lalut nahaharap sa krisis ang bansa dulot na rin ng pandemya.
“They are crazy to propose that at this time and supposed to be led by President Duterte who according to [Presidential Spokesperson] Harry Roque is in perpetual isolation, can you imagine how crazy it is to propose that during this pandemic,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radyo Veritas.
Giit ng Obispo, wala ring batayan para sa planong pagtatatag ng isang revolutionary government na maituturing na mas malala pa sa pagdi-deklara ng Martial Law.
“There is no warrant for such a Revolutionary Government under these circumstances, it is even worse than pure Martial Law. Unang una tatanggalin ang Konstitusyon, kapag may Revolutionary Government the Constitution will be disregarded. What is that, they will set-aside the Constitution? If a Revolutionary government is declared, the Constitution will be set aside [and] we will have a pure dictatorship,” dagdag pa ni Bishop Bacani Jr.
Binigyang diin rin ng Obispo na bukod sa pagsasantabi ng mga karapatan ay mawawalan rin ng proteksyon ang mamamayan sa pagsasantabi ng Saligang Batas na naglalaman ng mga probisyon na nangangalaga sa kapakanan at dignidad ng bawat mamamayang Filipino.
Inilunsad ang People’s National Coalition for Revolutionary Government and Charter Change noong ika-25 ng Hulyo sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan na ayon sa tagapagsalita ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Committee (MRRD-NECC) na grupong nagsusulong ng RevGov ay itinaon sa parehong araw na pinunit ng mga Katipunero ang sedula na hudyat ng 1896 Revolution laban sa Spanish colonial government.