9,477 total views
Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Kalinga ang patuloy na pakikipagtulungan at pagsuporta sa mga proyekto ng simbahan para sa kapakanan ng mga katutubo.
Ayon kay Kalinga Governor James Edduba, layunin ng pakikipag-ugnayan na ipalaganap ang mahalagang misyon ng simbahan sa paghubog ng mga katutubong pamayanan, lalo na sa aspeto ng edukasyon.
Binanggit ni Edduba na ang simbahan ang nagpakilala at naghatid ng edukasyon sa mga katutubong pamayanan ng Kalinga, kaya karamihan sa mga ito ay naging mga Kristiyano.
“Most of the people here in the province of Kalinga are Catholic community. Because sila ‘yung unang pumunta dito, sila ‘yung nag-introduce ng education, including the spiritual education of the people here. Even some of the community projects we started were also started by the church. It’s just a matter of continuing and sustaining it sana para lalo sanang matulungan itong mga katutubo,” pahayag ni Edduba sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala ang gobernador na ang pagkakaroon ng maayos na ugnayan sa pagitan ng simbahan at pamahalaan ay maituturing na mabuting pamamahala, sapagkat higit nitong natutugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan.
Ibinahagi ni Edduba ang mga kaugaliang pinahahalagahan ng mga taga-Kalinga na “paniyaw, ngilin, at bain,” na nangangahulugang paggalang sa Diyos, kalikasan, at pamayanan, na makakatulong sa pagpapatupad ng mabuting pamamahala.
“We are trying to revive this as a means of further inculcating in people a love for God and a love for the community… Sabi ko nga, ‘pag ang isang leader has a good Christian values, siguradong ‘yung gobyerno niya, it’s a good governance,” ayon kay Edduba.
Ang pahayag ni Edduba ay kaugnay ng paglulunsad ng National Indigenous Peoples Month 2024 sa Sitio Bubog, Barangay Nabuangan, Conner, Apayao, sa pangunguna ng Apostolic Vicariate of Tabuk katuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples (CBCP-ECIP).
Dumalo rin sa nasabing gawain sina Tabuk Bishop Prudencio Andaya Jr., CBCP-ECIP chairman Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc, CBCP-ECIP executive secretary Tony Abuso, mga pari ng Bikaryato ng Tabuk, at mga katutubong Isneg.
Ipagdiriwang naman sa ika-13 ng Oktubre ang Indigenous Peoples’ Sunday, kasabay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Pilipinas ng Season of Creation.
Tema ng Linggo ng mga Katutubo para sa susunod na dalawang taon ang “Lakbay-Laya: Pilgrims of Hope in Ancestral Domain.”