456 total views
June 29, 2020-12:49pm
Ibinahagi ng campaigner sa pagiging Santo ni Archbishop Teofilo Camomot na inaprubahan na Catican ang ‘positio’ para sa pagpapatuloy ng proseso ng pagsusuri para sa kaniyang kabanalan.
Ayon kay Fr. Mhar Vincent Balili, Vice Postulator ng Canonization of Camomot, magandang balita ito lalo na sa mga Filipino na nahaharap sa krisis dulot ng pandemya bunsod ng coronavirus.
“Ang approval ng positio is a positive and joyful occassion na may pag-asa pa rin tayo at the same time saints are there to help us especially Archbishop Camomot na Cebuano at Filipino,” bahagi ng pahayag ni Fr. Balili sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ni Fr. Balili, inaprubahan ng Congregation of the Causes of Saints ang ‘positio’ ni Archbishop Camomot noong ika-17 ng Hunyo 2020 makaraan ang apat na taong pagsagawa nito.
Paliwanag ng pari na ang ‘positio’ ay maihalintulad sa ‘thesis’ kung saan isinulat dito ang buhay, mga gawa at mabuting halimbawa ng namayapang arsobispo noong namumuhay pa ito sa arkidiyosesis.
“I-examine ito ng mga Theologian, then ang Cardinals; kung okay sa Cardinals i-reccommend ito sa Santo Papa, then the Pope will give the title ‘Venerable’,” dagdag ni Fr. Balili.
Kung maitalagang ‘Venerable’ si Archbishop Camomot, kinakailangan ng isang himala na may kaugnayan sa namayapang arsobispo upang makapagsimula naman sa ‘beatification process’.
Sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19, hinikayat ni Fr. Balili ang mananampalataya na hingin ang tulong ni Archbishop Camomot lalo’t nung nabubuhay, gumawa ito ng pambihirang hakbang nang manalanta ang peste sa mga palayan sa isang lugar sa Talisay Cebu.
Pagbabahagi ng pari, gumawa ng hukay si Archbishop Camomot at itinuro ang direksyon sa hukay kung saan sumunod at pumunta ang mga ‘locusts’ sa halip na sa mga palayan.
“Maaring malaki ang maitutulong ni Archbishop Camomot sa sitwasyon natin ngayon sapagkat nakagawa na siya ng extraordinary noong manalanta ang locusts sa Cebu,” saad ni Fr. Balili.