34,377 total views
Sa nalalapit na paggunita ng simbahan sa 97th World Mission Sunday sa October 22, isinapubliko ng Fides News Agency ng Vatican ang pagtaas ng bilang ng mananampalatayang Katoliko.
Bagamat sa pagdami ng mga katoliko ay bumaba naman ang bilang ng mga pari at relihiyoso.
Ayon sa ulat, sa pagtatapos ng taong 2021 umaabot sa 1.375 billion ang bilang ng mga mananampalataya sa buong mundo na may 16.24 million pagtaas kumpara sa taong 2020.
Ang pagtaas ay mula sa lahat ng kontinente, lalo na sa mga bansa sa Africa at America maliban na lamang sa Europa.
Sa kabila nito ang bahagyang pagbaba ng pandaigdigang porsiyento ng mga katoliko sa 17.67 percent.
Bumaba rin ang kabuuang bilang ng mga obispo at pari na mula sa dating bilang na 407,872 ay nabawasan ng higit sa dalawang libo kung saan ang 900 ay diocesan at 1,400 ang Religious priest.
Bunsod nito,ang bawat pari ay pinangangasiwaan ang higit sa tatlong libong kawan.
Sa ulat, patuloy ang pagtaas ng bilang ng permanent deacons na naitala sa 49,176.
Nabatid sa isinapublikong tala na ang simbahang katolika ay may 74,368 kindergarten na may higit sa pitong milyong mag-aaral; 100,939 primary schools na may 34.7 milyong estudyante at 49,868 secondary school na may higit 19 milyong mag-aaral.
Ang Charity at Health care centers sa buong mundo na pinangangasiwaan ng simbahan ay naitala sa 5,405 na hospital at 15,276 ang mga tahanan para sa mga matatanda, may karamdaman, at kapansanan.
Umaabot din sa 9,703 ang mga orphanage na ang pinakamarami ay matatagpuan sa Asya na naitala sa bilang na 3,230.