350 total views
Pagkakaroon ng bukas na kamalayan sa mga sitwasyong kinakailangang baguhin sa lipunan.
Ito ang isang nakikitang dahilan ni Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs, kaugnay sa pagtaas ng bilang ng mga nais na magparehistro at bumoto para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections.
Ayon sa Pari, ang pagkamulat ng bawat mamamayan sa kahalagahan ng kanilang boto na maaring makapagdulot ng pagbabago sa bansa ang isang dahilan ng pagiging aktibo ng mamamayan sa paghahanda sa halalan.
“Number 1 siguro gusto talagang magparticipate ng mga mamamayan dito sa gagawing eleksyon, nakita nila siguro ngayon yung realization na yung kanilang boto ay pwedeng makapagdulot ng pagbabago sa lipunan natin at siguro nakita naman na nila na yung naging sitwasyon noon ay kinakailangang baguhin,” pahayag ni Rev. Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Kabilang sa tinukoy na sitwasyon ng Pari na maaring nagmulat sa mamamayan upang magkaroon ng pagbabago sa lipunan ay ang mga usapin ng korapsyon at katiwalian sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Duterte gayundin ang hindi maagap na pagtugon ng pamahalaan sa malawakang krisis na dulot ng pandemya.
“Ang ibig kong sabihin na sitwasyon noon marami tayong mga hindi nagustuhan, yung intervention sa pandemya tapos yung mga naging issue pa, unang una palang sa rehimen ni Pangulong Duterte na maaring ikinagulat din ng mga Pilipino, so siguro itong mga bagay na ito ay ayaw naman nila na mangyari pa sa mga susunod pang mga taon kaya gusto nilang lumahok ngayon sa darating na halalan,” dagdag pa Fr. Secillano.
Una ng binigyang-diin ni Fr. Secillano na ang eleksyon o halalan ay isang pambansang gawain na dapat seryosohin ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga panlipunang turo ng Simbahan bilang gabay sa pakikilahok sa kabuuang proseso ng halalan na nasasaad sa election campaign One Godly Vote.
Ayon sa Pari, layunin ng One Godly Vote election campaign na gabayan ang bawat botante sa maka-Diyos na pagpili ng mga bagong opisyal ng bayan na nangangahulugan sa pagsasantabi sa pansariling kapakanan at pagbibigay prayoridad sa tunay na ikauunlad at ikabubuti ng bayan.
Iniulat ng (COMELEC) na umaabot na sa 63-milyon ang bilang ng mga rehistradong botante para sa 2022 Elections at inaasahan na marami pa ang magpaparehistro bago matapos ang pinalawig na voters registration sa ika-30 ng Oktubre, 2021.