13,561 total views
Muling pinapaalalahanan ng mga eksperto ang mga Pilipino na patuloy na mag-ingat sa banta ng COVID-19 sa muling pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus.
Ayon kay UP-OCTA Research fellow Dr. Guido David, bagama’t wala pang dapat ikabahala sa pagdami ng bilang ay kinakailangan pa ring mag-ingat ng lahat.
“So, this is something to be aware of, pero not to be alarmed. Bakit? Kasi tumataas yung cases, may mga infections tayo. And actually, nakita namin mas mababa ‘yung testing na ngayon kumpara sa mga nakalipas na surge, kumbaga kung ikukumpara natin testing sa NCR ngayon compared sa January ay kalahati nalang ‘yung tine-test natin over the same period,” pahayag ni David.
Ito ang pahayag ni Dr. David sa panayam ng Radio Veritas kaugnay sa naitalang 10.9% positivity rate sa Metro Manila nitong July 9, mas mataas kumpara sa 8.3% positivity rate noong July 2.
Paliwanag pa ng dalubhasa, mabuting indikasyon ang pag-abot ng “COVID-19 cases peak” sa Metro Manila sa muling pababa ng kaso ng mga nagpo-positibo sa rehiyon.
“Ito pino-project namin na weak surge lang so hindi gano’n kataas yung cases kasi in January nasa 18,000 per day sa Metro Manila so ngayon nasa 600 lang…Parang may nakita kaming indication na baka nagpe-peak na ‘yung case and this is actually very good news for us na baka bumaba na sa Metro Manila, hindi pa sa mga province kasi hindi pa umaabot sa ibang provinces,” ani David.
Dagdag ni Dr. David, karamihan sa nagpo-positibo ngayon ay ‘incidental cases’ o mga naitatala matapos magpa-RTPCR test dahil sa hospital procedure at nakakitaan ng COVID-19 mild at asymptomatic case.
Sa huling datos ng Department of Health, may naidagdag na 1,660 positibong kaso ng COVID-19 sa bansa na nagresulta naman sa 14,218 kabuuang bilang ng kaso.
Ayon sa COVID-19 tracker ng DOH, umabot na sa higit tatlong milyon ang kabuuang kaso sa bansa, kabilang na ang tatlong milyong gumaling sa karamdaman habang 60-libo naman ang nasawi.
With News Intern – Chris Agustin