270 total views
Pinaburan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang target ng Bureau of Internal Revenue o BIR na pagtataas ng kanilang magiging singil sa mga tinatawag na “sin products” tulad ng alak at sigarilyo ng hanggang sa P150.4 billion ngayon taon.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, nakabubuti ang ganitong implementasyon upang tuluyang umiwas ang mga tao sa mga bisyong ito.
Umaasa naman ang obispo na sana ay napupunta sa tamang proyekto ng pangkalusugan ang buwis na ipinapatong sa mga “sin products.”
“Dapat ang mga sin products na yan ay talagang bigyan ng malaking tax para yung mga tao sa halip na gumastos diyan na mataas na yung presyo hindi na sila gagastos sa ganyan. Dapat talagang paigtingin ng gobyerno ang pangongolekta sa mga ito. Kaya kawawa sila magkakasakit sila at magtataas pa yung presyo ng bilihin yun yung dahilan upang hindi na sila gumamit ng ganyang produkto dahil nakakasama sa kanilang kalusugan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nabatid na noong nagdaang taon umabot sa P100 billion ang nakolektang tax ng BIR mula sa sigarilyo, P28.3 billion sa mga fermented liquor, P13.5 billion mula sa distilled spirits at compounded liquors, at P50 million naman mula sa wines.
Samantala, lumalabas sa datos ng BIR na tumaas ang excise taxes sa alak at sigarilyo sa simula pa lang ng taong ito ng 37.4 percent, na nagkakahalaga ng P18.5 billion sa pagtatapos ng buwanng Pebrero.
Nakasaad naman sa unang sulat ni San Pablo sa mga taga – Corinto kabanata 6 talata 19 na ang ating mga katawan ay templo ng Espiritu Santo na dapat nating pangalagaan at pabanalin.