161 total views
Umaapela ang pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pamahalaan na ihinto ang pagpapatupad sa mandatory na pagtaas sa Social Security System contribution ng mga Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Komisyon, dagdag pahirap at gastos lamang ito sa mga OFW kaya’t dapat itong pigilan.
“We at CBCP-ECMI, also support and appeal for a temporary restraining order (TRO) of the implementation of SSS rationalization act. It is an added financial burden and will cause more difficulties to our OFWs,” pahayag ni Bishop Santos.
Aniya, hindi makatarungan ang bagong rates na ipatutupad ng SSS lalo na sa mga seafarer at dapat hindi ito kasama sa pagkuha ng mga overseas employment certificates.
“The newly increased rates are unfair, and impaired the existing employment contracts of our OFWs, especially the seafarers, payments to these SSS, Phil health or Pag-ibig should never be tied to the issuance of overseas employment certificates,” ani ng Obispo.
Batay sa nilagdaang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, lahat ng mga land-based at sea-based OFW ay dapat maging miyembro ng SSS.
Layunin nitong makapangalap ng pondong higit sa 31 bilyong piso sa pamamagitan ng nasabing batas.
Pinapalawak at ini-rationalize ang kapangyarihan ng SSS sa ilalim ng Section 9-A ng nasabing batas kung saan kinakailangan na maging kasapi ng SSS ang lahat ng mga may trabaho na hindi lalagpas sa 60 taong gulang.
Iginiit ni Bishop Santos na dapat suriin ng pamahalaan ang nasabing batas dahil malaking epekto ito sa kabuhayan ng mga OFW.
“Our OFWs should be assisted, helped and promoted not to be burdened; and so there should be a moratorium on the increase of SSS contributions,” giit ni Bishop Santos.
Una nang kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga OFW sa malaking ambag sa lipunan hindi lamang sa pang-ekonomiyang aspeto kundi sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.