473 total views
Mga Kapanalig, inihain noong nakaraang linggo ni Senate President Tito Sotto ang panukalang batas na layong amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act o JJWA. Nais ng senador na ibaba pa ang pinakamababang edad ng kriminal na pananagutan o ang minimum age of criminal responsibility o MACR. Naging batayan niya ang nag-viral na video kamakailan kung saan nakitang sinaktan ng mga “batang hamog” ang ilang pasahero ng jeep. Katwiran pa niya, hindi epektibo ang JJWA na sawatain ang mga sindikatong gumagamit ng mga bata sa kanilang ilegal na gawain.
Dapat tanungin ang senador: masusolusyonan ba ang mga problemang ito kung ibababa ang MACR? Kung ang mga sindikato ang gumagamit sa mga bata, malinaw na biktima ang mga bata at proteksyon ang kailangan nila. Hindi kaya dahil sa mahinang pagpapatupad ng JJWA kaya may mga children in conflict with the law o CICL? Ayon nga sa Child Rights Network, isang samahan ng mga organisasyong nagsusulong ng mga batas upang itaguyod ang karapatang pambata, ang kawalan ng aksyon ng mga lokal na pamahalaan at ang kakulangan sa ugnayan ng mga tagapagpatupad ng batas ang pangunahing ugat ng problema. At matutugunan ang mga pagkukulang na ito kung seseryosohin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng JJWA.
Una, sa aspeto ng budget at mga programa. Ayon sa Juvenile Justice and Welfare Council, tatlo lamang sa bawat sampung lokal na pamahalaan ang nakapaglalaan ng budget para sa mga programa at serbisyong nakatuon sa mga CICL at sa mga children at risk o mga batang nasa mga kalagayang maaaring magtulak sa kanilang lumabag sa batas.
Ikalawa, sa usapin ng mga propesyunal at pasilidad na tutulong sa mga bata. Alam ba ninyong tatlong porsyento lamang ng mga lokal na pamahalaan ang mayroong lisensyadong social workers upang tutukan ang mga kaso ng mga batang lumalabag sa batas? Kulang din ang mga Bahay Pag-asa kung saan dapat dinadala ang mga batang edad 12 hanggang 15 na nakagawa ng mabibigat na krimen (gaya ng pagpatay at panggagahasa) at ang mga batang 15 taong gulang ngunit wala pang 18, na naghihintay ng utos ng korte ukol sa kanilang kaso. Saan natin dadalhin ang mga batang ito kung mayroon lamang tayong 55 na Bahay Pag-asa, gayong 114 dapat ang mga ito sa buong bansa?
Sa kabila ng mga datos na ito, patuloy ang ilan nating lider, sa pangunguna ni Pangulong Duterte, sa pagtutulak na ibaba ang minimum age of criminal responsibility. Noong isang linggo lamang, muling sinisi ng pangulo ang JJWA dahil nagbunga raw ang batas na ito ng isang henerasyon ng mga kriminal. Paano mangyayari ito gayong 12 taon pa lamang ang batas? Anong uri ng pamahalaan ang mayroon tayo kung sumusuko ito sa pagpapatupad ng isang batas na itinataguyod ang kapakanan ng mga bata? Kung ang nakikitang solusyon ng mga mambabatas at ng pangulo ay ang ituring na “kriminal” ang mga musmos na nakagawa ng mali, tinatalikuran nila ang kanilang tungkulin at pananagutan bilang mga nakatatanda. Binibigô nila ang kabataang Pilipino.
Sabi nga ni Pope Francis, ang tao ay parang isang puno—may mga ugat na pinanggagalingan ang kaniyang pagkatuto at pagkatao. Hindi siya magiging mabunga kung wala siyang mga ugat. Kaya’t mainam na alamin kung saan nakaugat ang mga batang nasasangkot sa krimen at masamang gawain. Hindi kaya ang mga ito ang dapat tutukan ng pamahalaan upang lumago ang mga batang nakaugat sa kung ano ang mabuti at tama?
Mga Kapanalig, hindi ang pagpapalit ng minimum age of criminal responsibility ang solusyon. Kailangan lamang paigtingin ang implementasyon ng batas, at higit sa lahat, ang burahin ang malulupit na kalagayang ninanakaw ang pagkabata ng mga batang Pilipino.