186 total views
Hindi dapat magtapos ang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga ninja cops sa pagbibitiw ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde sa kanyang posisyon.
Ito ang binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity kasunod ng pagbibitiw ni Albayalde na nauugnay sa usapin ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga.
Iginiit ng Obispo ang patuloy na imbestigasyon sapagkat hindi lamang ito tungkol kay Albayalde kungdi sa kabuuang kredibilidad at katapatan ng mga kawani ng Philippine National Police.
Nanindigan si Bishop Pabillo na ang pagbibitiw ni Albayalde ay isang tanda na may totoong problema ng ninja cops sa bansa na nararapat matutukan at mapanagot sa batas.
“Yung pagreresign ni General Albayalde ay isang tanda na may problema talaga sa ninja cops. Sana hindi magtatapos ang investigation tungkol sa ninja cops dahil sa nag-resign siya. Dapat ipagpatuloy ang pag-iimbestiga nito kasi hindi lang naman yan tungkol kay Albayalde ngunit tungkol yan sa buong PNP (Philippine National Police) na mayroong ganito at nagpoprotektahan yung mga criminal. Sana matanggal na…” pahayag ni Bishop Broderick Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang Obispo sa mga ninja cops o mga tiwaling pulis na nagpapalaganap ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi katanggap-tanggap ang ginagawa ng mga ninja cops na pagkastigo sa mga mamamayan gayong sila ang tunay na may kaugnayan sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“Ang nakakalungkot kasi yung mga pulis at PNP ang ginagamit na panlaban sa mga drug-addicts kuno ngunit sila din pala ang nagpapalaganap ng drug addiction kaya ito’y dapat talagang matanggal kasi napakasama nito, binibintangan yung mga tao pero sila din pala ang involve dito…” dagdag pahayag ng Obispo
Sa kanyang talumpati kasunod ng isinagawang Flag Ceremony sa Camp Crame ay personal na inanunsyo ni Albayalde ang paghahain niya ng ‘non-duty’ status o pagbakante sa kanyang tanggapan bilang hepe ng PNP tatlong linggo bago ang kanyang nakatakdang pagreretiro sa ika-8 ng Nobyembre.
Magsisilbi namang pansamantalang officer-in-charge ng PNP si Lt. Gen. Archie Gamboa.