242 total views
Pagpapakita ng paggalang ang nakaugaliang paghalik sa singsing ng Santo Papa.
Ito paliwanag ni Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na maari namang ipahayag sa ibang paraan.
Ang pahayag ni Bishop Pabillo ay makaraan na rin sa pagtanggi ni Pope Francis sa hindi pagpapahalik sa kanyang Papal ring na nakaugalian ng paraan ng pagpapahayag ng paggalang sa Santo Papa.
“Dapat alamin natin ang dahilan sa mga practices, kasi yung dahilang yun kunwari ang paggalang maari ka namang gumawa ng paggalang sa ibang paraan, pwede mong hindi gawin yung practice pero ang paggalang ay dapat nandiyan. Sa kadalasan, sa mga practices na ginagawa natin alamin natin yung dahilan para ang maipagpapatuloy natin yung reason not so much the practice itself,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Broderick Pabillo sa kanyang Pastoral Visit On-Air sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi pa ng Obispo, ang paghalik sa singsing ay tanda ng paggalang noon pang unang panahon na maaring baguhin at ipakita sa ibang pamamaraan tulad na lamang sa paggamit ng mga salita na nangangahulugan ng pagkilala at paggalang sa pinuno ng Simbahang Katolika.
“Yan po yung mga tanda ng mga paggalang noong (unang) panahon, so ngayong pwedeng magbago yun pero atleast yung attitude mo ng paggalang ay nandiyan pa rin, ang iba ring paggalang pinapakita sa salitang ginagamit ‘your highness’, ‘your holiness’, ‘your excellency’ so yan tanda ng mga paggalang yan,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Sa paliwanag ni Vatican Spokesman Alessandro Gisotti na ang pagkalat ng mikrobyo ang dahilan ng hindi pagpapahalik ng Santo Papa sa kanyang Papal Ring na makikita sa naging kontrobersyal na nakunang video ni Pope Francis noong ika-25 ng Marso sa Loreto, Italy.
Giit ng Holy See tanging Hygiene o pangangalaga sa kalusugan ng bawat isa ang dahilan ng Santo Papa dahil sa posibilidad ng pagkalat ng mikrobyo mula sa maraming mga mananampalatayang nais na makahalik sa kanyang Papal Ring.