176 total views
Mahalaga ang Edukasyon sa bawat kabataan.
Ito ang tugon ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari kaugnay sa pagbawas ng budget na inilalaan sa programa ng Commission on Higher Education na tumutulong sa mga mag-aaral.
Ayon kay Bishop Mallari, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang mga programang nasimulan upang hindi maisaalang – alang ang kapakanan ng mga kabataang natutulungan.
Iginiit ng Obispo na dapat pag-ibayuhin pa ng Pamahalaan ang mga programang pang-edukasyon sapagkat ito ang paraan sa pag-unlad ng bayan at mamamayan.
“Education is key to the renewal of a person and of society.” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Ikinalungkot ng Obispo ang naging hakbang ng Department of Budget and Management o DBM na bawasan ang pondo ng CHED para sa Tulong Dunong program na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan.
Sa pahayag ni CHED Commissioner Prospero De Vera III, nangangamba ito para sa mahigit 350, 000 mag-aaral sa ilalim ng Tulong Dunong program lalo’t halos 250 porsiyento ang ibinaba ng budget nito para sa 2019.
Batay sa proposed 2019 national budget, 1.19 bilyong piso na lamang ang inilaan para sa nasabing programa ng C-H-E-D mula sa mahigit 4 na bilyong piso ngayong 2018.
Nanindigan si Bishop Mallari na ang edukasyon ang pinakamabisang pamamaraan sa pag-unlad ng pamayanan.
“Education is the best way to fight against poverty.” ani ng obispo.
Dahil dito hinimok ng Obispo ang pamahalaan na masusing pag-aralan ang bawat hakbang na gagawin dahil nakasalalay sa kanilang desisyon ang kinabukasan ng mga iskolar ng pamahalaan.
Bagamat marami pa rin ang makikinabang sa Free Tuition Law ng pamahalaan, hindi pa rin dapat maisasantabi ang iba pang programang pang-edukasyon partikular na sa kasalukuyang panahon na mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, higit na kinikilala ang edukasyon bilang isa sa mga batayang nakatutulong sa paghubog at paglago ng pagkatao ng isang indibidwal.