343 total views
Sinuportahan ng opisyal ng CATHOLIC BISHOPS CONFERENCE OF THE PHILIPPINES (CBCP) ang pagtataas ng halaga ng Employees Compensation Commission (ECC) sa mga matatanggap na benepisyo ng mga manggagawang mahahawaan ng covid-19.
Nakasaad sa polisiya na mula sa naunang 480 pesos ay itataas ang ‘Sickness Benefit’ ng mga kwalipikadong manggagawa sa 600 pesos habang ang ‘Cash Assistance’ naman ay itataas sa hanggang 30-libong piso mula sa naunang sampung libong piso.
Ayon kay father Jerome Secillano, exe.sec. ng CBCP Permanent Committee On Public Affairs, malaking bagay ang pagsusulong ng hakbang dahil matutulungan nito hindi lamang ang mga manggagawa kungdi pati narin ang mga pamilyang umaasa sa kanila.
“Lahat ng tulong na maaaring gawin at ibigay sa mga manggagawa ay malaking bagay para malagpasan ng kanilang pamilya ang samut-saring problema na dulot ng pandemya,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Pari sa Radio Veritas.
Umaasa ang Pari na tiyakin ng pamahalaan na maayos na ipatutupad ang panuntunang may layuning umagapay sa mga manggagawa na nakaranas na ng maraming suliranin ng dahil sa covid-19 pandemic.
“Siguraduhin sana ng pamahalaan ang maayos na pagpapatupad ng mga stratehiyang naglalayong i-angat sa balon ng kahirapan ang ating mga kababayan,” ayon pa sa Pari
Sa kasalukuyan ay naisumite na ng ECC ang panukala sa Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ang kaniyang lagda at aprubadong desisyon na lamang ang hinihintay upang ganap na maipatupad ang panukala.
Pagpapabatid ni Father Secillano na tungkulin ng pamahalaan ang tulungan at iangat ang pamumuhay ng mga ordinaryong manggagawa sa lipunan at ipadama ang malasakit sa bawat mamamayan.
“Nawa ang lahat ng namumuno sa pamahalaan ay may malasakit sa taongbayan. Tungkulin nilang maglingkod at unahin sana nila ang kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan kasama na ang ang mga ordinaryong empleyado at manggagawa,” pagbabahagi pa ng Pari.
Kaugnay nito ay humihingi namanc ng karagdagang pasensya ang ECC sa mga manggagawang nagpapasa ng requirements upang makamit ang mga benepisyo.