613 total views
Suportado ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) ang inisyatibong food bank sa bawat diyosesis bilang naaangkop na lugar sa pag-iimbak ng mga natatanggap na relief goods sa panahon ng sakuna.
Ayon kay LASAC Director Fr. Jayson Siapco, magandang layunin ito lalo na sa mga lugar na madalas na dinadaanan ng malalakas na bagyo taon-taon.
“Food bank is a welcome initiative. This is good to be initiated in dioceses,” pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay na rin ito sa naiulat na mga nasira at nasayang na relief goods sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tuguegarao, Cagayan para sa mga biktima ng Typhoon Ulysses noong 2020.
Batay sa audit report ng Commission on Audit, umabot sa libo-libong in-kind donations ang hindi naipamahagi ng DSWD sa mga lubhang apektado ng Bagyong Ulysses hanggang sa ito ay masira na at hindi na tuluyang napakinabangan.
Sinabi naman ni Fr. Siapco na ilan sa mga paraan na ginagawa ng LASAC upang maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente ay ang mahigpit na pagtutok sa bawat dumadating na donasyon, na agad ding ipinapamahagi sa mga higit na nangangailangan.
“In Batangas, there is no information na may nasasayang na relief goods especially during and after calamities,” ayon kay Fr. Siapco.
Ang lalawigan ng Batangas ay madalas dinaraanan ng malalakas na bagyo taon-taon kaya kabilang sa mga programa ng Arkidiyosesis ng Lipa ang pangangalap ng mga donasyon upang maipamahagi sa mga pamilyang apektado ng mga sakuna.
Nauna nang iminungkahi ni Tuguegarao SAC Director Fr. Andy Semana sa pamahalaan ang paglikha ng food banks upang higit na matutukan ang mga natatanggap na relief goods at maiwasang masira ang mga ito.
Read: https://www.veritasph.net/pamahalaan-hinimok-na-magtatag-ng-food-bank-para-sa-mga-biktima-ng-kalamidad/