531 total views
Ang misyon at tungkuling ginagampanan ng Prison Ministry ng Simbahan ay isang kongkretong pagpapamalas ng ‘synodality act’ para sa mga bilanggo.
Ito ang ibinahagi ni Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa online program ng kumisyon na ‘Narito ako, Kaibigan mo!’ na pakikiisa at pakikinig sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo.
“Ang ginagawa natin sa Prison Ministry is a real synodality act na nakikiisa tayo, nakikinig tayo sa mga PDLs.”pahayag ni Bishop Baylon.
Ayon sa Obispo, tugmang tugma ang panawagan ng Synod on Synodality ng Santo Papa Francisco sa pakikiisa at pakikinig ng Prison Ministry ng Simbahan sa mga hinaing, kalagayan at panawagan ng mga bilanggo.
Aminado naman si Bishop Baylon sa pagkukulang ng Simbahan kung saan mas higit na marami ang mga layko na naglilingkod bilang Volunteer in Prison Service (VIPS) kaysa sa mga Pari.
“Tugmang tugma itong Synod on Synodality sa ginagawa natin sa Prison Ministry kasi kung titingnan natin interpretasyon natin ito mga ginagawa nandun na ginagawa na talaga natin kaya lang, yun nga nakasanayan na natin na ibinibigay natin ito sa karamihan sa mga layko, mga VIPS [Volunteer in Prison Service], iilan lang talaga ang pari na nandito sa ministry na ito.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Inihayag ni Bishop Baylon na isa sa mga hamon ng komisyon na makumbinsi ang mga Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis na magtatag ng prison ministry para sa kapakanan ng mga bilanggo.
“Isa ito sa mga challenges natin sa komisyon, na we encourage the Bishops to identify priests to be part of the ministry ngayon kung talagang gusto nating seryosohin itong Synod on Synodality na ito. Isa ito sa mga aspektong dapat pagtuunan ng pansin, ang Prison Ministry sa mga diyosesis. pahayag ni Baylon
Taong 1975 ng itinatag ang CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na nagsisilbing daluyan ng biyaya ng Panginoon para sa mga bilanggo.
Sa kasalukuyan maroong 86 na unit of volunteers ang Simbahan mula sa iba’t ibang diyosesis na mayroong 20 hanggang 100 prison volunteers na nakatalaga sa bawat bilanguan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilanguan ang dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.