44,183 total views
Tuloy ang laban at adhikain ng mapayapang EDSA people power revolution matapos ang ika-38 taon nang mapatalsik sa kapangyarihan ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Iginiit ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na napapanahon pa rin ang pagsasabuhay sa diwa ng EDSA People Power Revolution sa kasalukuyang panahon.
Binigyan diin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace o Caritas Philippines na mahalaga ang patuloy na pagsasama-sama at paninindigan ng bawat mamamayan upang isulong ang pagbabago at ganap na pag-unlad sa bansa.
“Napaka-importante na magsama-sama tayo lahat ng sektor, hindi lamang ang Simbahan at mga cause oriented groups kundi lahat ng sambayanan, ang halimbawa niyan ay ang ginugunita nating EDSA 1 People Power Revolution, doon talaga ipinamalas natin sa buong mundo at sa buong bayan na kapag tayo ay nagkaisa kaya nating baguhin ang ating bayan.” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Sa ika-38 taong anibersaryo ng EDSA 1, nanawagan ang Obispo sa taumbayan ng pagkakaisa upang maprotektahan ang Saligang Batas ng Pilipinas sa patuloy na pagtatangkang baguhin o amyendahan ang konstitusyon na bunga ng tinaguriang “bloodless revolution”.
Sa halip na charter change at mag-aksaya ng pondo ng bayan, pinayuhan ng Caritas Philippines ang pamahalaan at kongreso na tutukan ang pagkakaloob ng kalidad na serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino na nahihirapan na sa epekto ng mataas na inflation, kawalan ng trabaho, mababang pasahod at mahal na bilihin.
Kabilang sa tinukoy ni Bishop Bagaforo na mas kinakailangang tutukan ng pamahalaan ang kahirapan ng mamamayan, kagutuman dulot ng El Niño at ang patuloy na katiwalian sa pamahalaan na maituturing na kanser ng lipunan.
“Kapag tayo ay nagkakaisa ay makakamit natin ang ating hangarin kaya napakahalaga na ngayon na mayroon tayong kinahaharap na isang hamon tungkol sa pag-amyenda, pagpalit, pagbago ng ating Saligang Batas, napakahalaga na iparating natin ang ating nagkakaisang tinig, isang boses na tayo ay komukontra na baguhin ang ating Saligang Batas, ang mahalaga ay tugunan nila yung ating mga social burning issues of today katulad ng kahirapan ng mga tao, gutom dahil sa El Niño at higit sa lahat yung cancer ng ating lipunan yung corruption in many sectors of our government agencies.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Naninindigan naman si Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias,vice-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs na mahalaga ang patuloy na paggunita sa tinaguriang ‘bloodless revolution’ na naganap noong taong 1986 na tumapos sa mahigit 20-taong diktadurya ng rehimeng Marcos.
Pagbabahagi ng Obispo, bukod sa pagbabalik tanaw sa pambihirang pagkakaisa at pag-ibig sa bayan na ipinamalas ng mga nakibahagi at nanindigan sa naganap na EDSA People Power Revolution ay mahalaga ring muling suriin ang mga pagbabago at patuloy na pagsasabuhay ng paninindigan para sa demokrasya ng bansa.
Tinukoy ni Bishop Tobias na marami pa ring mga usapin at suliraning panlipunan ang dapat na pagkaisahan ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon kabilang na ang soberenya ng bansa sa pinag-aagawang West Philippine Sea at ang patuloy na mga tangkang amyendahan ang Saligang Batas ng Pilipinas.
Ayon sa Obispo, hindi dapat na pinaglalaruan ang Konstitusyon ng bansa sa halip ay dapat na igalang at patuloy na protektahan bilang saligan ng mga tinatamasa na kalayaan, karapatan at demokrasya ng bansa.
“Marami pa tayo ng dapat pagkaisahan, magkaisa tayo sa West Philippine Sea sa ating pakikitungo at pakikipaglaban sa Tsina, bakit nang-aangkin ng hindi iyo kapag ang mga Pilipino ay nasuya baka hindi na namin kayo kilalanin bilang kaibigan, isa yan sa ating paglalabanan at titingnan. Syempre ang ating kalayaan, ang ating Konstitusyon, Saligang Batas yan ay hindi natin pinaglalaruan yan kailangan nirerespeto natin at huwag tayong padalos dalos sa pag-aamyenda niyan sapagkat sa pamamagitan niyan ay unti-unting mabubuo talaga ang ating magandang kinabukasan.” Pahayag ni Bishop Tobias sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Rev. Fr. Jerome Secillano, rector ng Shrine of Mary, Queen Of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine ang patuloy na paninindigan ng Simbahan partikular na ng pamunuan ng dambana sa pagsusulong ng mga adbokasiya at diwa ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa Pari, makakaasa ang lahat sa pakikiisa ng pamunuan at pamayanan ng EDSA Shrine sa mga gawain ng paninindigan at pakikibaka para sa katotohanan at kabutihan ng bayan na diwa ng mapayapang rebolusyon na naganap 38-taon na ang nakakalipas.
“Makakaasa kayo na ang pamunuan at ang pamayanan ng EDSA Shrine ay tutulong din sa pagsusulong nito [diwa ng EDSA People Power Revolution] ang ibig sabihin po nito, hindi lamang sa araw na ito pwede kayo dito sa EDSA Shrine, kung ano man ang mga pagkilos, kung ano ang mga balakin, kung ano man ang mga gawain maari po tayong magtulungan at mag-ugnayan para isang pwersa po tayo na makikibaka at lalaban para sa katotohanan, para sa kabutihan.” Ayon kay Fr. Secillano.
Kaugnay sa paggunita ng ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ika-23 ng Pebrero, 2024 ay isang photo exhibit ang inorganisa ng pamunuan ng EDSA Shrine sa San Lorenzo Ruis Chapel sa dambana tampok ang mga larawan at ilang memorabilia sa naganap na ‘bloodless revolution’ noong 1986.
Ika-24 naman ng Pebrero, 2024 ay magkakaloob ng free legal aid services ang dambana sa Serviam Hall ng EDSA Shrine habang isang Human Rights 101 Seminar din ang inorganisa ng dambana na mapapakinggan ng live sa himpilan ng Radio Veritas 846 kasunod ng VERITASAN sa EDSA Shrine kung saan tampok sa talakayan ang ilan sa mga personalidad na magbabahagi ng kanilang karanasan sa maituturing na madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas noong panahon ng Batas Militar.
Inilunsad ng Radio Veritas 846 at Archdiocesan Shrine of Mary, The Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine ang “VERITASAN sa EDSA Shrine” noong ika-11 ng Pebrero, 2023 bilang paggunita sa ika-37 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na layuning magsilbing daan upang matalakay ang mga mahahalagang usaping panlipunan.
Matatandaang hinangaan sa buong daigdig ang mapayapa at makasaysayang EDSA People Power Revolution noong Pebrero taong 1986 kung saan sa harap ng mga tangke at ng militar ay dumagsa sa EDSA ang mamamayan mula sa iba’t-ibang antas ng lipunan kasama ang mga lingkod ng Simbahan at nagkaisa sa pananalangin para sa mapayapang pagkamit ng demokrasya ng bansa mula sa diktadurya sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ang Radio Veritas 846-Radyo ng Simbahan ay mayroong malaking bahagi sa EDSA 1 dahil dito nanawagan si nooy Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa mamamayang Pilipino na magtungo sa EDSA upang ipagtanggol ang kapayapaan.
Sa selebrasyon ng kapistahan ng Shrine of Mary,Queen of Peace, Our Lady of Edsa at ika-38 anibersaryo ng EDSA people power revolution 1, noong ika-21 ng Pebrero, pinangunahan ni Rev.Fr. Jerome Secillano, rector ng Our Lady of Edsa shrine ang welcome rites sa pagbisita ng Our Lady of Fatima image na ginamit noon sa rebolusyon.
Noong a-uno ng Pebrero 2024, pinangunahan naman ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang blessings sa adoration chapel ng Shrine of Mary Queen of Peace.
Sa ika-24 ng Pebrero, 2024, inaanyayahan ni Fr.Secillano ang taumbayan na makiisa sa “Free Human Rights legal clinic” na isasagawa sa Edsa shrine.
Kaalinsabay ng free legal aid services ay live na mapapakinggan ang programang “VERITASAN” ng Radio Veritas hosted by Fr.Secillano at makakapanayam si Prof.Bonifacio Macaranas, dating ex-political prisoner at martial law torture victim kaugnay sa patuloy nitong adbokasiya na isulong ang karapatang pantao at kahalagahan ng buhay.
Sa ika-25 ng Pebrero, magiging highlight ng EDSA people power 1 anniversary ang banal na misa na pangungunahan ni Cardinal Advincula katuwang ang mga Obispo at kaparian sa EDSA shrine.