101,846 total views
Kapanalig, sa ating journey o lakbayin tungo sa makatarungang lipunan, mahalaga na magawa nating tunay na inklusibo ang ating bayan. Mahirap gawin ito, lalo na pagdating sa mga persons with disabilities o PWDs. Isang tingin pa lamang sa ating mga lansangan, kita na natin na marami sa ating mga PWDs ay hindi kampante at ligtas na makakagamit nito.
Kung nais nating maging tunay na makatarungan ang ating bayan, dapat nating gawing mas bukas at mas magaan ang partipasyon ng lahat sa lipunan, anumang edad o anumang kapasidad. Lahat tayo ay may dignidad. Sabi nga sa Pacem in Terris, any human society, if it is to be well-ordered and productive, must lay down as a foundation this principle, namely, that every human being is a person with dignity. Ang PWDs, kapanalig, ay isa sa mga sektor na dapat nating bigyan ng pantay na oportunidad para makalahok sa ating lipunan. Kailangan nating palakasin ang kanilang kapasidad pati ang mga imprastraktura ng bayan. Sa ganitong paraan, ating kinikilala ang kanilang dignidad.
Ang unang hakbang sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga PWDs ay ang pagbibigay sa kanila ng pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon. Sa pamamagitan ng mga integrasyon at espesyal na edukasyon, mas napapalapit natin ang pagkakaroon ng kakayahan ng bawat isa na makilahok sa lipunan. Ang mga hakbang na ito ay hindi lamang nagbibigay ng kaalaman, kundi nagpapahayag din ng respeto sa kanilang dignidad at kakayahan.
Bukod dito, ang pagpapalawak ng access sa trabaho para sa mga PWDs ay mahalaga din. Dapat ay mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng trabaho na naaayon sa kanilang kakayahan at interes. Ang mga negosyo at korporasyon ay maaaring magkaroon ng quota o programa na nagbibigay pribilehiyo sa pagtatrabaho ng mga PWDs, at nagpapalabas din ng kanilang mga natatanging talento.
Ang pag-access sa mga pampublikong pasilidad at transportasyon ay isa ring aspeto ng empowerment ng PWDs. Dapat ay maging mas maayos at makakayanan ang mga pampublikong lugar para sa kanila. Ang paglalagay ng rampa, elevators, at iba pang pasilidad na angkop sa kanilang mga pangangailangan ay malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Maliban dito, mahalaga rin ang pagbibigay ng tamang serbisyong pangkalusugan sa mga PWDs. Dapat ang mga staff o personnel ng mga ospital at health centers ay may kaalaman at sensitibo sa pangangailangan ng mga PWDs. Gayundin, ang pagbibigay ng kaukulang suporta sa kanilang kalusugan at rehabilitasyon ay nagpapakita ng pag-aalaga at pagrespeto sa kanilang dignidad.
Ang tagumpay at ambisyon ng PWDs ay bahagi ng pag-usbong ng ating bayan. Sa paglago ng kamalayan at pagbibigay halaga sa kanilang mga kakayahan, nagiging mas malakas at makabuluhan ang boses ng mga PWDs sa lipunan, napapa-ibayo rin ang kanilang kapasidad, at nagbubukas pa ng mas maraming pintuan ng oportunidad para sa kanilang pag-unlad.
Sumainyo ang Katotohanan.