1,519 total views
Pinaalalahanan ng arsobispo ng Maynila ang mananampalataya na ang pagtatalaga ng basilica ng isang simbahan ay tanda ng pakikilakbay ng Diyos sa sangkatauhan.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula sa pagtalaga ng Minor Basilica of St. Dominic sa San Carlos City Pangasinan.
Paliwanag ng cardinal na ito ay nangangahulugang ugnayan sa pagitan ng St. Dominic Basilica sa Santo Papa Francisco na isang paanyaya sa bawat mananampalataya nang sama-samang paglalakbay bilang isang simbahan.
“Being a basilica church is more than just elegant decorations or grand celebrations. More significantly, it is about concretely signifying the mysterious presence of the Kingdom of God within and among us.” pahayag ni Cardinal Advincula.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na malaking tungkulin ang gagampanan ng mamamayan sa lugar upang mapagyabong ang biyaya ng pagkaloob ng basilica lalo na sa pagpapaigting ng misyon ng simbahan.
“The gift of being declared a minor basilica comes with a mission and responsibility.” giit ng cardinal.
Batid ng arsobispo na malaking bahagi sa paglago ng kristiyanismo sa San Carlos Pangasinan ang mga Dominikano na nagmisyon noong 1500s.
Ayon sa kasaysayan ang Minor Basilica of St. Dominic ang kauna-unahang basilica sa Asya na nakatalaga sa santo na tagapagtatag ng Order of Preachers o Dominicans.
Dalawang Dominikanong martir din ang naglingkod sa nasabing simbahan na sina Santo Domingo Ybanez de Erquicia na pinaslang sa Nagasaki Japan at San Francisco Gil de Federich na nasawi sa Vietnam dahil sa paninindigan sa pananampalataya.
Ginanap ang elevation rites noong January 14, 2023 na pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown kasama ang mga obispo ng Northern Luzon region, mga opisyal ng Dominican communities, mga pari at layko ng lalawigan ng Pangasinan.