440 total views
Pangungunahan ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtalaga kay Bishop Broderick Pabillo bilang obispo ng Apostolic Vicariate ng Taytay Palawan.
Isasagawa ang pormal na pagluklok kay Bishop Pabillo sa ika – 19 ng Agosto ganap na alas nuwebe ng umaga sa St. Joseph the Worker Cathedral.
Ang pagtatalaga sa obispo ay kasabay ng kapistahan ni San Ezequiel Moreno isang misyonerong Agustinian Recollect na nagsilbi sa Palawan makaraang ordinahang pari sa Manila noong 1871.
Bukod pa rito ipagdiriwang din ni Bishop Pabillo sa nasabing araw ang ika – 15 anibersaryo ng pagiging obispo. Taong 2006 nang hirangin ni Pope Emeritus Benedict XVI si Bishop Pabillo bilang katuwang na obispo ng Maynila.
Makalipas ang halos 15 taon naging tagapangasiwa ang obispo sa arkidiyosesis makaraang italaga Si Cardinal Luis Antonio Tagle sa iba’t ibang tanggapan sa Vatican noong Disyembre 2019.
Habang Hunyo 29, 2021 nang hirangin ni Pope Francis si Bishop Pabillo bilang pinunong pastol sa Taytay Palawan kahalili ni Bishop Edgardo Juanich na nagretiro noong 2018 dahil sa usaping pangkalusugan.
Matutunghayan ang installation ni Bishop Pabillo sa The Manila Cathedral, TV Maria At Radyo Veritas PH habang ito rin ay mapakikinggan sa Radyo Veritas 846.
Bukod ky Cardinal Advincula dadalo rin sa solemn installation ni Bishop Pabillo si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown at iba pang obispo ng bansa.