28 total views
Ikinalugod ni Cebu Archbishop Jose Palma ang magkakasunod na pagkatalaga ng mga obispo mula sa Ecclessiastical Province of Cebu.
Ayon sa arsobispo, isang regalo para sa buong simbahan ang pagkatalaga ng mga obispong magpapastol sa mga diyosesis katuwang ang mga pari.
“Any appointment of a bishop is a joy for the church, their talents and suitability are always for the glory of God and the church,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Matatandaang hinirang ng Kanyang Kabanalan Francisco noong September 30 si Bishop-elect Fr. Euginius Cañete, M. J. na tubong Cebu bilang ikaapat na obispo ng Diocese of Gumaca habang si dating Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo naman ay itinalagang unang pastol sa ika -87 diyosesis sa bansa ang bagong tatag na Diocese of Prosperidad sa Mindanao.
Bukod sa dalawang Cebuanong pari ay hinirang din ni Pope Francis noong October 4 si Bishop-elect Fr. Elias Ayuban, Jr., C.M.F na maging ikalawang obispo ng Diocese of Cubao.
Si Bishop-elect Ayuban na mula sa Loay Bohol na sakop ng Diocese of Tagbilaran na suffragan diocese ng Archdiocese of Cebu.
Tiniyak ni Archbishop Palma ang pakikiisa at panalangin sa mga misyong kakaharapin ng mga obispo ng Central Visayas sa iba’t ibang diyosesis sa labas ng rehiyon.
“Our assurance and prayers that we journey with them full of hope for the church,” ani Archbishop Palma.
Samantala itinakda ng Diocese of Cubao ang episcopal ordination at canonical possession ni Bishop-elect Ayuban sa December 3, 2024 sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao ganap na alas otso ng umaga.
Si Bishop-elect Canete naman ay gagawaran ng episcopal ordination sa December 28 sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa alas 9:30 ng umaga habang ang canonical possession ay itinakda sa January 4, 2025 sa parehong oras.