1,324 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na misa at pagtatalaga sa newly renovated na Nuestra Señora del Perpetuo Socorro (NSPS) Parish Church sa Sampaloc, Manila.
Inihayag ni Cardinal Advincula na ang pagiging maganda at matatag na istruktura ng simbahan ay sa pagtutulungan at masidhing pananampalataya ng mga tao.
Dalangin ng cardinal na ang pagsasaayos sa simbahan ay mas makahikayat ng maraming mananampalataya upang mapanumbalik at patatagin ang pananalig sa Panginoon.
“Kaya nga kung paanong pinararangalan natin ang kabanalan ng simbahang gusaling ito, hinahamon tayo na pagmalasakitan ang bawat kasapi ng simbahang bayan ng Diyos. Pagmalasakitan natin ang bawat isa at akayin ang bawat isa kay Hesus,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Lubos naman ang kagalakan ni Eva Marzan-Landais, chairman ng NSPS Church Reconstruction Committee naisakatuparan na ang pagsasaayos sa simbahan matapos ang mahabang panahon.
Ayon kay Marzan-Landais, katulad ng bagong ayos na simbahan ay nabigyang-buhay din ang mga mananampalataya na manalangin at tanggapin ang presensya ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng banal na Misa.
Ramdam naman ni Fr. Jerome Secillano, kura paroko ng NSPS Church ang kagalakan ng mga mananampalataya dahil muling makapagdiriwang ng banal na misa sa bagong ayos na simbahan.
Lubos naman ang pagpapasalamat ng pari sa lahat ng mga nakatuwang upang maisakatuparan ang pagpapaganda at pagsasaayos sa simbahan.
“Sana ay lalo pa kayong pagpalain ng Panginoon at lalong ipagkaloob sa inyo anuman ang inyong pangangailangan. Sabi nga ay God loves a generous giver and God cannot be outdone in generosity. Ang Diyos sana ang magbigay ng napakarami pang biyaya para sa inyo,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Ang pagsasaayos sa NSPS Church o kilala bilang Calamba Church, ay isinagawa sa loob ng tatlong taon mula Hulyo 29, 2019 hanggang Oktubre 29, 2022, at nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱60-milyon.
Sa bisa ng dekreto mula sa noo’y Arsobispo ng Maynila Gabriel Reyes, itinatag ang Nuestra Señora del Perpetuo Socorro Parish bilang ganap na parokya noong Agosto 28, 1951 mula sa noo’y parokya pa lamang at ngayo’y Archdiocesan Shrine of Espiritu Santo sa Tayuman, Maynila.
Si Fr. Candido Bernal ang itinalaga bilang unang kura paroko at nagsilbi sa loob ng halos apat na dekada, habang si Fr. Secillano naman ang ikaapat na kura paroko na 16-taon nang gumagabay sa mga mananampalataya ng parokya, na magtatapos ngayong Nobyembre 2022.