14,344 total views
Umaasa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na isabuhay ng mga mananampalataya ang mga katangiang ipinamalas ng Mahal na Inang Maria bilang daluyan ng habag, awa, pagmamahal at biyaya ng Panginoon para sa bawat isa.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng arsobispo sa ginanap na Solemn declaration ng pagtatalaga sa Pambansang Dambana ng Mahal Ina ng Awa ng Novaliches noong ika-15 ng Setyembre, 2024.
Sinabi ni Cardinal Advincula na tulad ng Mahal na Inang Maria na isinasabuhay ang mga salita ng Diyos ay gawing huwaran din nawa ng mga mananampalatayang dadalaw sa national shrine ang mga gawi ng Mahal na Ina ng Awa bilang gabay tungo sa landas ni Hesus.
Umaasa si Cardinal Advincula na maging daan ang Pambansang Dambana ng Mahal Ina ng Awa upang maging buhay na patotoo sa kapangyarihan ng krus at sa pagpapaibayo ng Corporal Works of Mercy kabilang na ang pagpapakainin sa mga nagugutom, pagpapainum sa mga nauuhaw, pagdadamit sa mga walang kasuotan, pagtanggap sa mga estranghero, pagpapagaling sa mga maysakit, pagdalaw sa mga nakakulong at paglibing sa mga patay.
“Let this National Shrine of Ina ng Awa be a living testament to the power of the cross. Intensify your corporal works of mercy to feed the hungry, give drink to the thirst, clothe the naked, welcome the stranger, heal the sick, visit the imprisoned and bury the dead.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ayon sa Cardinal, ang pagkatalaga sa National Shrine and Parish of Our Lady of Mercy of Novaliches ay nakabatay sa hatid na kabanalan ng dambana para sa bawat mananampalataya at hindi nakabatay sa taglay na pisikal na anyo ng gusali.
“Sa mga nagugutom at nauuhaw, sa mga may sakit at naliligaw, si Maria Ina ng Awa, ang kanilang nanay na natatakbuhan. Kapag sinabi mong Novaliches Bayan, lagi mo itong madadaanan, hindi mo ito maiiwasan. Parang isang inang laging tinatawag ang kanyang anak. Parang isang inang hindi papayag na ikaw ay makikiraan lamang-nais niyang ikaw ay pumasok sa kanyang tahanan.” Dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang pagtalaga sa ika – 31 national shrine ng Pilipinas na inaprubahan ng mga Obispo sa ginanap na 128th plenary assemnbly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Cagayan De Oro City noong ika-6 ng Hulyo, 2024.
Bukod sa mga mananampalataya at lingkod ng Simbahan ng Diocese of Novaliches, saksi rin sa makasaysayang Deklarasyon ng pagtatalaga sa Pambansang Dambana ng Mahal Ina ng Awa ng Novaliches sina Novaliches Bishop Roberto Gaa, mga dating Obispo ng diyosesis na sina Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., gayundin si CBCP Vice President Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na siya ring nagsisilbing Apostolic Administrator ng Diyosesis ng San Pablo at iba ang bisitang pari ng Diyosesis ng Novaliches.
Ang simbahan ng Our Lady of Mercy sa Novaliches ay itinatag ng mga Agustinong misyonero noong 1856 kung saan ang patrona at imahe ay dinala ni Fr. Andres Martin, OSA ang kauna-unahang pari ng Novaliches.
Taong 2008 nang ideklara ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ang simbahan bilang pandiyosesanong dambana habang noong 2021 ay ginawaran ito ng special bond of spiritual affinity sa Papal Basilica of St. Mary Major in Rome gayundin ang canonical coronation.