450 total views
Inihayag ni Cebu Archbishop Jose Palma na napapanahon ang pagtatalaga at pagbubukas ng Capelinha de Fatima Replica sa Cebu sa gitna ng iba’t-ibang uri ng banta na kinakaharap ng mundo.
Ayon sa arsobispo, ito ay paalala sa bawat mamamayan sa mensahe ng Mahal na Birhen na pagbubuklod sa panalangin para sa kapayapaan nang magpakita ito sa tatlong bata sa Fatima Portugal noong 1917.
Itinuturing din itong biyaya ng Arsobispo sa mga Filipino dahil ito ang ikaapat na replica chapel ng Our Lady of Fatima sa buong mundo at kauna-unahan sa Asya.
“Among many significance [of the Capelinha de Fatima Replica], if you think of how the world has been threatened of the impending war, the message of Fatima— the message of peace, of prayer, and of sacrifice for the sake of the peace of the world and renewal of returning to Christ— is significant and timely,” pahayag ni Archbishop Palma.
Tinukoy ng arsobispo ang kasalukuyang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagsimula noong Pebrero kung saan apektado na ang mahigit tatlong milyong Ukrainians habang higit sampung libong katao ang nasawi sa magkabilang panig.
Matatandaang isa sa mga mensahe ng Mahal na Birhen ang pagtatalaga sa buong mundo sa kanyang kalinga lalo na ang pagpapanibago ng Russia upang makamit ang pandaigdigang kapayapaan.
Batay sa kasaysayan matapos ang pagpakita ng Mahal na Birhen, pinangunahan ni Pope Pius XII ang pagtatalaga ng buong mundo sa kalinga ng Mahal na Ina noong 1942 at nasundan taong 1952 bilang pagtatalaga sa Russia sa bisa ng Apostolic Letter na Sacro Vergente Anno.
Muling itinalaga ang Russia noong 1964 sa pangunguna ni Pope St. Paul VI sa ginanap na Second Vatican Council habang March 25, 1984 nang italaga ni Pope St. John Paul II ang Russia sa kalinis-linisang puso ni Maria.
Sa pahayag ni Sr. Lucia dos Santos, isa sa mga batang pinagpakitaan ng Mahal na Birhen, naisagawa ng tama ang pagtatalaga noong 1984 batay sa kahilingan ng Mahal na Ina.
Kaugnay nito muling hinimok ni Pope Francis ang mananampalataya na magkaisa sa muling pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa March 25, 2022 kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon upang mahinto na ang digmaan ng dalawang bansa.
Samantala, gagawin ang blessing at consecration sa kauna-unahang replica chapel ng Our Lady of Fatima sa San Remigio Cebu sa April 4 sa pangunguna ni Archbishop Palma.
Inaasahan din ang pakikiisa ng mga kinatawan mula sa Fatima Portugal at iba’t ibang grupong namimintuho sa Mahal na Ina sa pangunguna ng World Apostolate of Fatima in the Philippines.