1,524 total views
Inihayag ng kinatawan ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas na ang bawat simbahan ay kanlungan ng sangkatauhan.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, sa kabila ng mga pagkukulang ng tao ay nanatili ang pag-ibig ng Diyos kaya’t ito ang nagbibigay proteksyon sa bawat isa laban sa kasamaan at kasalanan.
“Every Catholic Church should be a place of protection, a place of safety, where all of us, no matter what our background is, no matter what our temptations may be, no matter what our failures are-we are protected, because we are in the House of God,” ayon kay Archbishop Brown.
Ito ang pagninilay ng arsobispo kasabay ng pagtalaga ng Archdiocesan Shrine and Parish of St. Anne sa Taguig City bilang Minor Basilica na kauna-unahan sa Diocese of Pasig.
Ipinaliwanag ni Archbishop Brown na makabuluhan ang pagkakataong itinalaga ang simbahan ng Sta. Ana bilang basilica sa paggunita ng ‘Pagdadala sa Mahal na Birhen sa Templo’ lalo’t si Sta. Ana ang ina ni Maria.
Ibinahagi pa ng nuncio na kaakibat ng pagkatalagang basilica ay makatatanggap ang sinumang dadalaw sa simbahan ng plenary indulgence kung ito ay mangungumpisal, tatanggap ng banal na komunyon, at mananalangin sa natatanging intensyon ng Santo Papa.
“It indicates a very special closeness to the person of the Holy Father it means after the elevation this closeness has the consequence that in your church now a minor basilica people who come to pray here can obtain a plenary indulgence under the normal conditions,” giit ni Archbishop Brown.
Kasabay nito hinimok ng opisyal ang mananampalataya na ipalangin si Pope Francis lalo na ang kanyang kalusugan upang maipagpatuloy ang mga gawaing pagmimisyon at pagpapastol sa mahigit isang bilyong katoliko sa buong mundo.
Katuwang ni Archbishop Brown sa pagdiriwang si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara kasama ang rector at parish priest ng dambana na si Fr. Orlando Cantillon.
Dumalo rin sa pagtitipon si CBCP President, Kalookan Bishop Mylo Hubert Vergara, Parañaque Bishop Jessie Mercado, Imus Bishop Reynaldo Evangelista, at Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco.
Ang 435-year-old na simbahan ng Sta. Ana na itinatag ng mga Agustinong misyonero noong 1587 ang ikalimang basilica sa National Capital Region habang ika – 21 naman sa buong Pilipinas na ginawaran ni Pope Francis ng Minor Basilica status noong July 26, 2022 kasabay ng kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana – ang mga magulang ng Mahal na Birheng Maria.