2,119 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Minor Basilica of St. Dominic sa San Carlos City Pangasinan ang pagpapalawak ng misyon upang higit na lumago ang pananampalataya ng mamamayan.
Ito ang pahayag ni Fr. Mario Dominic Sanchez, kura paroko at rector ng simbahan kasabay ng pormal na pagtalagang basilica ng parokya.
Ayon sa pari paiigtingin ang misyon lalo na sa maliliit na komunidad upang tumibay ang pundasyon ng kristiyanismo.
“It’s the challenge that is given to us in San Carlos to continue the work of evangelization that we have received, we receive evangelization now it’s time for us to evangelize beginning in our family, in our community, in the neighborhood and then to have more vocations.” pahayag ni Fr. Sanchez sa Radio Veritas.
Pinasalamatan ng pari ang mga Dominikano na naging instrumento sa paglaganap ng pananampalataya sa San Carlos City noong 1587.
Mula nang maitatag ang simbahan noong 1733 nadagdagan ito ng iba pang parokya na katuwang sa pangangalaga sa kawan ng 86 na barangay na sakop ng lunsod.
Naniniwala si Fr. Sanchez na sa pagdami ng mga parokya ay higit mapatatag ang misyon.
“The smaller the population the better our work for evangelization; kaya as parish priest yun ang aming mission to take care of more Catholics grow in the life of faith and discipleship.” ani ng pari.
Samantala ikinagalak ni Master of the Order of Preachers Very Reverend Fr. Gerard Timoner, III, OP ang pagkatalagang basilica ng parokya sapagkat ito ang kauna-unahang basilica sa Asya habang ikalima sa buong daigdig na nakatalaga kay St. Dominic – ang tagapagtatag ng kongregasyon.
Sa homiliya ni Fr. Timoner hinimok nito ang mananampalataya na saliksikin ang buhay ni St. Dominic upang maging huwaran sa paglilingkod sa kapwa.
Aniya, sa mga karanasan ng kasalukuyang panahon ay mensahe ng pag-asa ang hatid ng santo para sa mamamayan lalo na ang pagkatalaga ng basilica sa kanyang pangalan.
“In these trying times where people seem to be lost in despair, St. Dominic offers us ‘spem miram, a wonderful hope’; in this Basilica of St. Dominic, may we always find Spem Miram, the Wonderful Hope by Dominic: Christ our Lord, who nourishes us in Word and in Sacrament.” ani Fr. Timoner.
Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang rito ng pagtalaga kasama si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas habang dumalo rin sa pagtitipon ang ilang obispo ng karatig diyosesis, mga pari, religious men and women at mga layko ng Pangasinan.
Hulyo 2022 nang aprubahan ni Pope Francis ang kahilingan ng parokya na maging minor basilica kung saan ito na ang ika – 20 basilica sa bansa.