225 total views
Pinuri ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang Pangulong Duterte sa plano nitong wakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Ayon kay Manila Auxiliary bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, maganda ang layuning ito ng bagong administrasyon upang mawakasan ang paghihirap ng maraming Filipino para ma-iangat kahit paano ang antas ng kanilang pamumuhay.
Pahayag ng obispo, hindi naman ‘contractual’ ang mga bayarin sa serbisyo, pagkain at pagpapaaral sa mga anak kayat nararapat lamang na may sapat na benepisyo ang mga manggagawa sa pamamagitan ng regular ding trabaho.
“Maganda, matagal na nating ipinananawagan ‘yan para ang mga manggagawa ay magkaroon ng nararapat na dangal para sa kanila. Hindi naman endo-endo ang pagbayad nila ng kuryente, pagbili ng pagkain pagpapaaral sa kanilang mga anak, kaya dapat lang talaga may regular silang trabaho,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon pa kay Bishop Pabillo, magiging balanse din naman sa panig ng mga employer ang pagtatanggal sa kotraktuwalisasyon lalo na at nabubuhay ang kanilang mga negosyo dahil sa serbisyo ng kanilang mga kawani na dapat nilang tumbasan.
“Dapat naman kung sila ay nabubuhay dahil ang kanilang mga manggagawa ay endo ibig sabihin pinakikinabangan lang nila ang kanilang mga manggagawa. Kaya bahagi ng paggawa ng business ay bigyan ang mga manggagawa ng nararapat na sahod, na hindi na aapihin ang mga manggagawa, para ituloy ang business nila,” ayon pa kay bishop Pabillo.
Samantala, tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa unang quarter ng 2016 na nasa 11 milyong Filipino.
Sa survey ng Social Weather Stations o SWS ito ang pinakamataas na joblessness rate simula noong 2014 kung saan sa 11 milyong walang trabaho, 5.9 milyon ang boluntaryong nagbitiw; 3.3 milyon ang tinanggal sa trabaho at 1.8 milyon ang first-time job seekers.
Ayon sa Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc o PALSCON, nasa 850,000 manggagawa ang ‘contractual’ noong 2015, mas mataas sa 600,000 noong 2014.
Sa social doctrine of the Church, kinakailangan na sa bawat programa ng estado nakikinabang dito ang mayorya gaya na lamang sa mga manggagawa ng tamang pasahod at kaukulang serbisyo para sa pag-unlad ng bawat sarili at maging ng lipunan.