200 total views
Ang tuwirang pagtatakip at pagtatanggol ng mga opisyal ng Administrasyong Duterte sa mga kontrobersyal na pahayag ng Pangulo ay nagpapakita sa personal na interest sa kanilang posisyon.
Ito ang inihayag ni Promotion of Church Peoples Response (PCPR) Spokesperson Nardy Sabino kaugnay sa pagtatanggol ni Presidential Spokesperson Harry Roque at iba pang opisyal ng Administrasyon sa mga kontrobersyal na pahayag ng Pangulo.
Ipinaliwanag ni Sabino na ang pagtatanggol o pagpapalusot ng mga opisyal sa mga naging pahayag o ginawa ni Pangulong Duterte ay maituturing na senyales ng pagkaganid sa posisyon.
“Iyon ang tawag dun mga ‘palusot’, palusot na habang umaamin na nga ang Pangulo, habang nagsasalita na siya ng ginawa niya itong kanyang mga tagapag-salita dahil sa kanyang interes na manatili sa kapangyarihan ay natatakot sila. Kapag natanggal ang Pangulo, matatanggal din sila sa pwesto, so silang mga nagpapalusot ay gagawin ang lahat para lamang pagtakpan yung Presidente.” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, kapwa ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Harry Roque at Chief Presidential Counsel Salvador Panelo si Pangulong Duterte mula sa naging pahayag nito sa kanyang kasalanan kaugnay sa Extra Judicial Killings.
Habang magkakaiba rin ang naging pahayag ni Roque, Special Assistant to the President Bong Go at ng mismong Pangulo kaugnay sa kanyang muling pagpapa-ospital sa Cardinal Santos Medical Center kamakailan lamang.
Iginiit ni Sabino na dapat maging matapat ang mga opisyal ng bayan kaugnay sa tunay na kalagayan ng lipunan at hindi ikubli ang anumang impormasyon para sa kaalaman ng mamamayan na nagtiwala at naghalal sa kanila.