220 total views
Pinuri ng dating pinuno ng Kagawaran para sa Karapatang Pantao ang ginawang pangunguna ng Simbahang Katolika sa isinagawang Walk For Life noong Sabado ika-18 ng Pebrero sa Quirino Grandstand.
Ayon kay dating Commission on Human Rights chairperson Etta Rosales, naangkop lamang ang aktibong hakbang at pagkilos ng mga lider ng Simbahang Katolika na nagsilbing gabay at pag-asa sa mga mamamayang pinanghihinaan at nawawalan ng tiwala para sa kinabukasan ng bansa.
Iginiit ni Rosales na ang presensya ng Simbahan ay lubhang kinakailangan sa kasalukuyang sitwasyon ng bayan upang muling ibalik ang moralidad at paggalang sa kasagraduhan ng buhay.
“Ang mga Bishops and Archbishops tama lang yung ginawa nila narito sila sa gitna ng mga mamamayan at yun dapat lagi diba, kaya pagtiniyak natin na mas palakasin natin ang ganitong ugnayan at presensya ng Simbahan sa gitna ng mga mamamayan palagay ko, ito na ang pag-asa ng taumbayan, dito tayo makakakuha ng lakas sa pamamagitan ng ating pagsasama-sama sa Simbahan at ganun din sa pagpapatupad ng batas, lalong lalo na ang karapatang pantao…”pahayag ni Rosales sa Radio Veritas.
Tinatayang aabot sa higit 20,000-indibidwal mula sa 17 mga diyosesis sa bansa ang nakiisa sa isinagawang Walk For Life na isang pagpapakita ng paninindigan ng bawat mananampalataya sa pagsusulong sa kasagraduhan ng buhay.
Kaugnay nito, magsasagawa din ng “walk for life” ang Archdiocese ng San Fernando Pampanga sa ika-25 ng Pebrero, kaalinsabay ng anibersaryo ng EDSA people power 1 revolution.
Layunin ng hakbang na lalong patatagin ang paninindigan at pagtatanggol sa buhay.
Read: http://www.veritas846.ph/save-lives-lakad-laban-sa-karahasan/