217 total views
Pinasalamatan ni Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg ang Gawad Bayani ng Kalikasan na humirang sa kanya bilang isa sa mga natatanging indibidwal na nagtatanggol sa kalikasan.
Ayon sa Arsobispo, hindi naman labis ang kanilang mga ginagawang pamamaraan ng pangangalaga sa kalisakan subalit tinitiyak nitong tututol sa simbahan sa mga industriyang sumisira sa kapaligiran.
“Nung nakaraan matindi yung black sand mining, illegal logging at tinatangkang pagtatayo ng coal plant. Talagang kinalaban namin yun kasi alam namin talagang nakakasira sa kalikasan.” pahayag ni Abp. Utleg sa Radyo Veritas.
Kabilang sa mga destructive industries na una nang napahinto sa lalawigan ng Tuguegarao ang black sand minng, illegal logging, small scale mining at pagtatayo ng coal fired power plant.
Ayon kay Archbishop Utleg, tiyak na hindi pa rin nagtatapos ang mga banta sa kalikasan sa kanyang Diyosesis kaya naman tinitiyak nitong magiging malakas ang paninindigan ng simbahan para sa proteksyon ng kalikasan at ng mga taong nakadepende rito.
Samantala, ibinahagi naman ni Owen Migraso, Executive Director of Center for Environmental Concerns at isa sa mga grupong nag organisa ng Gawad Bayani ng Kalikasan, na binuo ang ganitong parangal upang kilalanin ang mga unang nakikipag laban at nagpoprotekta sa kalikasan.
Paliwanag ni Migraso, mga magsasaka, mangingisda at mga lokal na residenteng naninirahan sa lugar at unang nakararanas ng pagkasira ng kapaligiran ang mas dapat na kilalaning mga bayani ng kalikasan, dahil sa kanilang pambihirang pagmamahal at debosyon sa pagpapanatili ng balanse sa kanilang lugar.
“Sa sangkatutak na mga parangal mga environmental awards natin, sila dapat ang ating nirerecognize, sila dapat ang ating pinaparangalan, yung mga nasa frontline defenders ng environment, kaya nabuo ang gawad bayani ng kalikasan.” Pahayag ni Migraso sa Radyo Veritas.
Ang Gawad Bayani ng Kalikasan ay isinasagawa kada dalawang taon, at ngayong 2018 ang ika-limang taon na isinagawa ito ng iba’t-ibang grupo ng mga environmentalist kabilang sa mga indibidwal na naparangalan sina Bai Bibiaon Ligkaian Bigkay isang Talaingod Manobo sa Davao, si Josefina Panginen- Chairperson ng Panlalawigang Alyansa ng mga Magbubukid sa Aurora o PAMANA, si Archbishop Sergio Utleg D.D. ng Arkidiyosesis ng Tuguegarao, at si Francis Morales na dating mula sa Farmer-Scientist group na MASIPAG.
Ang mga grupo naman na pinarangalan ay ang Central Luzon Aeta’s Association, People Surge, at Center for Lumad Advocacy, Networking and Services.