199 total views
Binigyang diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission na ang pagtatanggol sa mga naaapi ay isang tungkuling dapat na gampanan ng bawat Kristiyano maging dayuhan o Filipino.
Ito ang paalala ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes chairman ng CBCP-ECM kaugnay sa misyon at adbokasiya ng 71-taong gulang na Australian missionary nun na si Sr. Patricia Fox na pinapadeport ng Bureau of Immigration.
Iginiit ni Bishop Bastes na ang adbokasiya sa loob ng halos 3–dekada ni Sister Fox na pagtatanggol, pagbibigay ng moral at espiritwal na paggabay sa mga mahihirap na magsasaka at mga katutubo ay isang tungkuling dapat na gampanan ng bawat Kristyano’t Katoliko mapa-dayuhan man o Filipino.
“It is the right of every person, of every Filipino, whether Filipino or non-Filipino to defend the people who are oppressed because there is so many that are oppressed here so whether I am a Filipino or not we have Christian duty a quality of a human being that is distinct…” pahayag ni Bishop Bastes sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, matapos tuluyang kanselahin ng Bureau of Immigration ang missionary visa ni Sr. Fox ay binibigyan na lamang ng 30-araw ang madre upang makaalis ng bansa.
Bunsod nito, umaasa ng positibong tugon si Bishop Bastes sa kanyang naging apela sa kasalukuyang Abbot ng San Beda University na maging tagapamagitan upang bigyang linaw kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi isang banta si Sr. Fox sa demokrasya ng bansa sa halip ay isang misyunero lamang na nagnanais na makatulong sa mga mahihirap.
Naunang pinuna ng iba’t-ibang sector ang hindi parehas at kawalan ng due process sa kasong kinakaharap ni Sister Fox.
Read: Hindi nararapat maghari ang diktadura sa Pilipinas