208 total views
Pormal nang inilunsad ng grupo ng kabataan ang 200K Bamboohay Challenge na layong himukin ang mamamayan partikular ang kabataan na magtanim ng mga kawayan sa kapakinabangan ng tao at kalikasan.
Ayon kay Jonel Bryan Reyes, National Coordinator ng Student Catholic Action of the Philippines, malawakang kampanya ang pagtatanim ng mga kawayan sa bansa bilang tugon sa panawagang pangalagaan ang kalikasan at iligtas ang mamamayan sa epekto ng climate change.
Dahil dito hinimok ni Reyes ang bawat isa na makiisa sa paglutas sa usapin ng climate change at paigtingin ang pakikisangkot sa makakalikasang gawain para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
“Inaanyayahan ko po ang mga kabataan ang mga older generation na na makilahok makisangkot sa pagtatanim ng bamboo; ito yung isa sa mga bagay na makatutulong upang maibalik natin muli ang natural na kagandahan ng mundo,” pahayag ni Reyes sa Radio Veritas.
Tutukan ng SCA ng National Capital Region ang pagtatanim ng mga kawayan sa Marikina watershed partikular malapit sa Wawa Dam upang mapigilan ang pagbaha at pagguho ng lupa.
Bukod sa mapigilan ang pagkasira ng kalikasan makinabangan din sa mga itatanim na kawayan ang mga residenteng naninirahan sa paligid ng watershed sa kanilang kabuhayan.
Aniya, nagbigay ang Department of Environment and Natural Resources ng nasa 70, 000 square meters na pagtatamnan ng mga kawayan.
Paliwanag pa ni Reyes na batay sa pag-aaral makapagbbigay ang kawayan ng higit sa 35 porsyentong oxygen na kinakailangan ng tao mas mataas kumpara sa iba pang mga kahoy.
Ginawa ang pormal na paglunsad ng 200K Bamboohay Challenge sa Sacred Heart Parish, Kamuning sa lunsod Quezon kung saan sinimulan ito sa Banal na Misa na pinangunahan ni Fr. Ben Beltran, SVD na dinaluhan ng iba’t ibang non – governmental organizations sa bansa, grupo ng mga kabataan at iba pang grupong makakalikasan.
Layunin din nito na makapagtanim ng 1 bilyong kawayan sa 2030 upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng mundo, sang-ayon na rin sa panawagan ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si na mahalagang magkaisa ang mamamayan sa pangangalag sa kalikasan ang nag-iisang tahanan ng bawat mamamayan.