435 total views
Kinondena ng Oceana Philippines ang labis na pagtatapon ng dumi ng mga barko sa Pagkakaisa reefs na bahagi ng Kalayaan Group of Islands na sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Atty. Gloria Estenzo-Ramos, Vice President ng grupo, ito’y babala para mas mabantayan pang mabuti ang mga karagatang sakop ng Pilipinas na hindi na muling maulit ang ganitong uri ng insidente na nagdudulot ng panganib, hindi lamang sa karagatan at kalikasan, kundi maging sa kalusugan ng mga tao.
“We also condemn ‘yung act of discharging pero cautious kami. So we don’t even mention the vessels kasi hindi natin alam kung which of the vessels [are] there. Pero this should awaken us na meron ba talagang nag-monitor sa mga barko? Kasi marami nang mga side stories ‘yung kung ano-anong dina-dump sa karagatan natin,” bahagi ng pahayag ni Ramos sa panayam ng Radio Veritas.
Nanawagan naman ang grupo sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaang nangangalaga sa mga karagatan at kalikasan na imbestigahan upang maparusahan ang lumabag sa environmental law.
“Nananawagan kami sa Philippine Coast Guard at Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na masusing tingnan ang nasabing insidente, kasama ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), lokal na pamahalaan at iba pang ahensya,” pahayag ng Oceana Philippines.
Batay sa Philippine Fisheries Code na inamyendahan noong taong 2015, may karampatang parusa ang mga mapapatunayang nagdudulot ng aquatic pollution sa mga karagatang sakop ng bansa.
Gayundin ang Philippine Clean Water Act of 2004 na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng putik o anumang dumi sa karagatan.
Ayon naman sa pag-aaral, dahil sa patuloy na pagsasagawa ng mga mapanganib at ilegal na aktibidad sa bahagi ng West Philippine Sea ay lumiit o bumaba sa 67-porsyento sa nakalipas na 10 hanggang 15 taon ang bahagi ng mga coral reefs sa Pagkakaisa Reefs.
Habang naging sanhi rin ito ng pagbaba sa 66 hanggang 75-porsyento sa nakalipas na 20 taon ang kabuuang bilang ng mga nahuhuling isda sa bahagi ng karagatan.
Nakasaad sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.