201 total views
Mga Kapanalig, tatlong taon na ang nakalilipas sa araw na ito nang salantain tayo ng pinakamalakas na bagyong tumama sa kalupaan, ang Super-bagyong Yolanda. Ito na nga ang itinuturing na pinakamapaminsala sa lahat ng bagyong dumaan sa Pilipinas. Sinubok nito ang katatagan at maging ang pananampalataya nating mga Pilipino. At hanggang ngayon, dama pa rin ng marami nating kababayan, lalo na sa Leyte, ang malalim na sugat na iniwan nito sa kanilang mga alaala—mga nawalang tahanan, mga nasirang kabuhayan, mga namatay na mahal sa buhay.
Inilantad ng Bagyong Yolanda ang katotohanan ng climate change o ang pagbabago ng klima ng daigdig. Maraming pag-aaral na ang nag-uugnay sa mga tinatawag na “extreme weather events” katulad ng Yolanda at climate change. Ang pag-init ng ating planeta, dahil sa mga gawain ng tao sa ngalan ng kaunlaran, ang sinasabing nasa likod ng malalakas na bagyong bihirang mabuo noon ngunit ngayo’y tila ba taun-taon na nating nararanasan.
Ang sinapit ng Pilipinas matapos manalasa ang Bagyong Yolanda ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagkasundo noong 2015 ang 193 bansa na ibsan ang pag-init ng ating planeta. Unti-unting babawasan ng mga bansa, lalo na ng mga mauunlad, ang kanilang carbon emission. Ito po ang tinatawag na mitigation. Maglalaan din ang mga mauunlad na bansa ng pondo upang tulungan ang maliliit na bansa, katulad ng Pilipinas, na makaagapay sa mga epekto ng climate change. Ito ang tinatawag na adaptation. Nakapaloob ang mga ito sa Paris Agreement, at para sa isang bansang lantad sa mga panganib na dala ng climate change, pag-asa ang hatid ng kasunduan sa atin.
Ngunit nakalulungkot, mga Kapanalig, na mukhang ang Pilipinas pa ang unang nagbalewala sa nasabing kasunduan, sa kabila ng masugid nating pagsusulong nito noong 2015. Minsan nang sinabi ni Pangulong Duterte na walang halaga ang kasunduan. Hindi niya ito kikilalanin dahil sasagkain nito ang pagpapatayo ng mga coal-fired power plants na aniya’y kailangan para sa kuryenteng gagamitin ng mga industriya at iba’t ibang negosyo. Ngunit ang coal ang itinuturing na pinakamaruming fossil fuel, at maliban sa karbóng dala nito sa himpapawid, ang duming ibinubuga ng mga plantang nagpoproseso nito ay banta sa kalusugan ng mga taong nakatira sa paligid. Ipagpapalit ba natin ang kapakanan ng mga tao at ng kalikasan sa sinasabi nating “kaunlaran”?
Bago pa man ang Paris Agreement, makailang beses nang binigyang-diin ng ating Simbahan ang malalim na ugnayan ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano sa kahalagahan ng pagkilos natin upang maibsan ang epekto ng climate change. Ngunit hindi lamang ito tungkol sa ating mga gawain bilang mga indibidwal. Sa Laudato Si’ ni Pope Francis, nananawagan ang Simbahan sa mga bansa na sama-samang tugunan ang climate change. “Interdependence” o pagtutulungan ang dapat na magtulak sa lahat ng bansa upang mag-isip bilang isang pamayanang may iisang plano at tunguhin. Ang kailangan ay isang “global consensus” o pagkakasunduan ng mga bansa upang sama-samang harapin ang malalalim na ugat ng climate change, bagay na hindi epektibong matutugunan kung magkakanya-kanya ang mga bansa at kung hindi magtatayâ ang lahat.
Mga Kapanalig, pabor para sa Pilipinas kung pagtitibayin nito ang Paris Agreement. Totoong kailangang akuin ng mas maaunlad na bansa ang malaki nilang carbon emission na sanhi ng climate change. Ngunit hindi nito inaalis ang pananagutan ng ibang bansa. Maaari tayong umunlad nang hindi umaasa sa maruming mapagkukunan ng enerhiya. Sagana ang Pilipinas sa mga alternatibo at mas malinis na mapagkukunan ng enerhiya gaya ng araw, tubig, at hangin. At sa pamamagitan ng Paris Agreement, maaari nating udyukan ang mga mayayamang bansa na tulungan tayong linangin ang mga ito. Maaari tayong umunlad nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng mga tao at ng nag-iisa nating tahanan.
Sumainyo ang katotohanan.