16,585 total views
Mariing tinututulan ng Diyosesis ng San Pablo ang planong pagtatayo ng 1400 megawatt (MW) Ahunan Hydropower Plant sa Pakil, Laguna.
Sa liham pastoral, inihayag ni Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., bagamat maaaring makatulong ang proyekto sa pangangailangang enerhiya sa maraming bahagi ng bansa, kaakibat naman nito ang banta sa kalikasan, kabuhayan, at pananampalataya ng mamamayan.
“Sa halip na magdala ng pagpapala, nagbabantang maging sanhi ito ng pagkasira ng mga kabundukan, pagkawala ng tahanan ng marami, at pagkawasak ng sagradong yamang likas na ipinagkaloob sa atin,” pahayag ni Bishop Maralit.
Ibinahagi ni Bishop Maralit ang mga mahahalagang katotohanan na dapat isaalang-alang bago itayo ang nasabing hydropower plant.
Kabilang dito ang kalikasan bilang tanda ng presensya ng Diyos, na naglalarawan ng kagandahan at kadakilaan ng Poong Maylikha bilang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at pagkalinga sa sangkatauhan.
“Ang lawa, mga bundok, kagubatan, at bukal ay hindi lamang bahagi ng ating kapaligiran; sila ay mga biyaya ng Diyos na patuloy na nagbibigay-buhay sa atin. Ang Laguna de Bay ay isang biyayang nagbibigay ng kabuhayan sa ating mga mangingisda at magsasaka. Ang mga kagubatan ay nagbibigay ng malinis na tubig at proteksyon laban sa mga sakuna. Ngunit ang mga biyayang ito ay nasa panganib dahil sa mga proyektong nakatuon lamang sa saglit na pakikinabang, sa halip na pangmatagalang pangangalaga,” ayon sa obispo.
Sinabi ni Bishop Maralit na ang tao’y inatasang maging katiwala ng sangnilikha, kaya naman hindi maaaring ituring ang mundo bilang isang bagay na pakikinabangan para lamang sa pansariling layunin.
Iginiit ng obispo na ang panukalang hydropower plant ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa kapaligiran, tulad ng pagbaha, kakulangan sa tubig, at pagkawala ng tirahan ng mga hayop, halaman, at mga taong umaasa sa kalikasan para sa kabuhayan.
Bukod sa kalikasan, ang tao ay katiwala rin ng pananampalataya at kultura, lalo’t ang bayan ng Pakil ay kilala sa masidhing debosyon sa Nuestra Señora de los Dolores de Turumba, na nagbubuklod sa mga mananampalataya ng Diyosesis ng San Pablo at sa iba pang lugar.
Sa gitna ng debosyong ito, ayon kay Bishop Maralit, ang sagradong Turumba Springs, na pinaniniwalaang nagdudulot ng kagalingan sa katawan at kaluluwa, ay nanganganib ring mapinsala ng proyekto.
Panawagan naman ng obispo sa mga may kinalaman sa proyekto, partikular sa Department of Energy, Ahunan Power Inc., at Department of Environment and Natural Resources, na muling pag-aralan ang proyekto at tiyakin ang tunay na konsultasyon sa mamamayan.
Hinikayat din ng obispo ang lahat na itaguyod ang makatarungan at maka-kalikasang pag-unlad bilang tugon sa panawagan ng Diyos at ng diwa ng Hubileyo ng Pag-asa.
“Nawa, ang pagkilos na ito ay patuloy na magtulak sa atin na maglakbay ng sama-sama, puno ng pag-asa, patungo sa isang mas maunlad, makatarungan, at mapagpalang hinaharap para sa lahat,” saad ni Bishop Maralit.