244 total views
Nagpahayag ng pangamba ang Diocese of Marbel sa social problems na maaring idulot ng pagbubukas ng bagong casino-hotel sa lalawigan ng General Santos.
Ayon kay Rev. Fr. Angelo Buenavides – Vicar General ng diyosesis, kaakibat ng pagbubukas ng malaking sugalan sa lalawigan ang mga suliraning panlipunan na maaring maidulot nito sa pamayanan.
Partikular na tinukoy ng Pari ang posibilidad ng paglaganap ng prostitusyon,illegal na droga, karahasan, pagkasira ng pamilya at maging sakit tulad ng HIV/AIDS sa lalawigan.
“Gusto nating ipakita, ipaabot, iparinig ang ating pagtutol sa pagbubukas ng casino dito sa Gen. San. on moral ground kasi alam naman natin na kapag mayroong casino marami itong bitbit na mga social problems at ayaw namin hindi lamang ng Simbahang Katoliko, ayaw ng mga mamamayan dito na magiging dahilan ito ng maraming problema katulad ng prostitusyon, pagkasira ng pamilya, drugs, patayan at iba pang kriminalidad at sakit HIV, AIDS o ano pa man na maaring dala nitong casino”. pahayag ni Fr. Buenavides sa panayam sa Radyo Veritas.
Nilinaw din ng Pari na hindi kinakailangan ng General Santos City at iba pang mga kalapit lalawigan ang mga casino o sugalan upang umunlad ang ekonomiya at turismo sa lungsod.
Ipinaliwanag ni Fr. Buenavides na bago ang pagpapatayo sa nasabing casino ay maunlad na ang lokal na ekonomiya sa lalawigan kaya’t hindi ito katanggap-tanggap na dahilan upang mabigyang katwiran ang pagtatayo nito.
“Hindi kailangan ng Gen. Santos ang casino para umasenso malinaw na malinaw yan at hindi kailangan ng Gen. San. ang casino para pumunta ang mga turista dito kasi ang Gen. San. wala pang casino umaasenso na ito so economically isa ito sa well-off sa buong bansa so hindi natin kailangan ang casino para umasenso.” Dagdag pa ni Fr.Buenavides.
Iginiit ng Pari na hindi inanyayahan ang Simbahan sa anuman serye ng pagpupulong o consultations bago itinayo at isinagawa ang soft opening sa casino sa lalawigan.
Binigyan diin ni Fr. Buenavides na dahil sa malaking implikasyon na maidudulot ng naturang casino sa buong SOCSARGEN region ay mahalagang maging bahagi ng mga pagpupulong at pagpaplano ang lahat ng sektor ng lipunan.
Kaugnay nito, kasabay ng soft opening ng naturang casino-hotel ay nagsagawa ng prayer rally ang mahigit sa 2,000 mananampalataya mula sa 6 na mga parokya ng Diocese of Marbel bilang pagtutol sa pagbubukas ng naturang establisyemento.