174 total views
Mariing tinututulan ng Simbahang Katolika ang pagtatayo ng casino sa isla ng Boracay, Aklan.
Binigyang diin ni Father Ulysses Dalida – Social Action Center Director ng Diocese of Kalibo na noon pa man ay tinututulan na ng simbahan ang planong pagtatayo ng malalaking negosyo partikular ang hotel-casino sa isla na papatay sa kabuhayan ng mga lokal na residente.
Iginiit ni Father Dalida, mananatili ang posisyon ng simbahan para sa pagpapaigting ng pagprotekta sa kalikasan at sa pagtataguyod ng kabuhayan ng mga mamamayan sa Boracay.
“Kahit na noon pa man, ilang Bishops na ang dumaan [sa amin] ay against na kami dyan,” pahayag ni Father Dalida sa Radyo Veritas.
Kinokondena naman ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang pahayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na posibleng pagtatayo ng dalawang casino sa isla ng Boracay.
Ayon kay Leon Dulce, National Coordinator ng grupo, lumalabas na pagbabalat kayo lamang ng pamahalaan ang ipinakikita nitong pag-aalala sa kalagayan ng kalikasan sa Boracay dahil mayroon itong binabalak na malaking pagkakakitaan.
Dagdag pa ni Dulce ang ginawang pagtatanggal sa mga maliliit na negosyo na sinasabing lumalabag sa environmental compliance ay pagtatanggal lamang ng mga maliliit na kakumpitensya ng papapasuking negosyo ng pamahalaan.
Dahil dito, muling binigyang diin ng KPNE kay Pangulong Rodrigo Duterte na tigilan na ang pagpapa-pogi at simulang higpitan ang mga batas na mangangalaga sa kalikasan lalo na sa mga kritikal na isla sa bansa.
“The Duterte regime, especially its environment and tourism agencies, should go beyond its ‘papogi’ crackdown and ensure that the development of tourism hubs especially within critical ecosystems is sensitive to local ecological boundaries, cultural development, and local community development. We reiterate our call on the Duterte government to strictly enforce a moratorium on new tourism construction projects and issuance of business permits, including this planned casino.” pahayag ni Dulce.
Sa pagtataya ng KPNE, kung matutuloy ang pagtatayo ng casino ay ang average na bilang na 781 turista kada araw ay tataas sa 4,224 na bisita, at inaasahang doble o triple pa ang malilikhang kalat ng mga taong dadayo sa isla ng Boracay araw-araw.