217 total views
Naninindigan ang mga residente sa lalawigan ng Quezon sa pagtutol sa pagtatayo ng Kaliwa dam.
Ito ang binigyang diin ni Infanta Bishop Bernardino Cortez.
Tiniyak ni Bishop Cortez na mahigpit na tutulan ng mga residente ng Quezon at Diocese ng Infanta na maisakatupan ang proyekto dahil sa dulot nitong panganib sa kalikasan at sa mga naninirahan sa lugar.
“Matagal nang sinasabi sa’min ‘yan na done deal na para sabihing pumayag na kami. Hindi kami pumapayag. Patuloy kaming luluhod sa Diyos at mas makapangyarihan ang sa taas. Ang Diyos ay nakikinig sa daing ng mga dukha at mahihirap, mga inaapi,” ayon kay Bishop Cortez sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Hamon din ng obispo sa mga nagsusulong nang pagtatayo ng dam na subukang manirahan sa kanilang lugar upang makita ang kanilang kalagayan.
“Basta ang sinasabi lang namin, kung may konsensya sila, pakinggan nila ang kanilang konsensya,” ayon pa kay Bishop Cortez.
Una na ring imunungkahi ang pagtatayo ng Kaliwa dam bilang tugon sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
Palaguin at alagaan ang mga gubat
Ito ang isa sa nakikitang solusyon ni Bishop Cortez bilang tugon sa kakapusan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
“Ang pinakamagandang solusyon, ang source ang ayusin natin. ‘Yung natural source na aalisin mo ‘yun, ‘wag mong aalisin ang gubat. Doon nagmumula ang tubig. Ang gubat ang nakakakuha ng ulan. Ang gubat ang nag-iexplore ng tubig.Ang gubat ang may i-stock-an. ‘Pag inalis mo ‘yung mga puno, Ang laki nung na-damage at alam na namin dito, kapag bagsak ‘yung Infanta, kapag tag-init maski kami hirap. Ang ibig ko lang sabihin, ayusin natin ang natural na pinagmumulan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Cortez.
Iginiit ng Obispo na ang kagubatan at mga puno ang natural na imbakan ng tubig kaya’t ang pagkakalbo ng mga kagubatan ang dahilan ng tagtuyot.
Ang dam ay popondohan ng salaping inutang mula sa china na magtatapos sa taong 2023.
Ayon sa ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco, tungkulin ng pamahalaan at ng mamamayan na magtulungan para sa pangangalaga sa kalikasan kung saan dapat laging isaalang-ang ang makabubuti para sa lahat.