384 total views
Naniniwala si Caritas Manila Executive Director at Radyo Veritas 846 President Rev. Fr. Anton CT Pascual na mahalagang magkaroon ng sustainable na mga programa para tulungan ang mga maralita na lalong nalugmok sa kahirapan dahil na rin sa epekto ng pandemya.
Sa ginawang pag-iikot ni Fr. Pascual sa isang Stilt Community sa Navotas kasama ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, aminado ang pari na nalulungkot ang Simbahan na makita ang kalagayan ng mamamayan na lalo pang naghihirap dahil sa epekto ng pandemya.
Ayon kay Fr. Pascual, patuloy na sinisikap ng mga institusyon tulad ng Caritas Manila na umagapay at magbigay ng ayuda sa mga naghihirap na mamamayan sa tulong ng ilang mga pribadong grupo.
“Marami ang natanggal ang trabaho nalugi ang mga negosyo kaya’t mahalaga na ang simbahan ay nariyan kasama ang mga private sectors [Accenture] na tumutulong para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan.” Giit ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Isa sa mga nakikitang solusyon ni Fr. Pascual ang pagpapalakas ng mga kooperatiba sa Simbahan na siyang magpapahiram ng puhunan o pondo sa mga mahihirap na magagamit upang mapaganda ang kanilang mga buhay.
“ang mahalaga dito ang sustainability, ang inaasahan natin na mapalakas natin yun kooperatiba ng mga mahihirap para tuloy-tuloy ang suporta ng Simbahan at Private sector lalo na [para] sila ay makabili ng mga pagkain at makahiram ng puhunan sa pag-nenegosyo. Kaya mahalaga ang cooperative for sustainability ng mga mahihirap. Nagkaisa ngayon pati ang mga donors at mga Parokya para tulungan sila sa ayuda at gamitin natin for development purposes.” Dagdag pa ng Pari na hinirang na most outstanding cooperative leader noong taong 2015.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2018, lumalabas na umaabot sa 16.7 % ang poverty incidence sa Pilipinas kung saan tinatayang nasa 17.7 Milyon ng mga Pilipino ang hindi sapat ang kinikita para makabili o makatanggap ng mga tinaguriang basic commodities.
Sinisikap naman ng Simbahang Katolika na patuloy na gumawa ng mga programa at proyekto na naglalayong makatulong sa mga mahihirap partikular na dito ang Caritas Manila na nakapagbigay ng mahigit sa 1.3 Bilyong piso na halaga ng ayuda katuwang ang ilang mga pribadong sektor noong 2020 kasabay ng pagpapatupad ng mga community quarantine sa bansa dulot ng Covid19 pandemic.