73,572 total views
Mga Kapanalig, noong ika-10 ng Oktubre, naisabatas (o nag-lapse into law dahil hindi nilagdaan ni Pangulong BBM) ang Republic Act No. 12027 na ibinabalik sa wikang Filipino ang pagtuturo sa mga estudyante. Optional na lang ang paggamit sa tinatawag na mother tongue o ang nakagisnáng wika ng isang bata.
Noong 2013, kasabay ng paglipat sa K-12 curriculum, sinimulan ang paggamit ng mother tongue sa pagtuturo sa mga nasa Kindergarten hanggang Grade 3. Ito ay bilang pagkilala sa kalagayang kinalakhan at mga karanasan ng mga estudyante, kabilang ang wikang natutunan nila mula pagkabata. Ang unang apat na taon ng pag-aaral ng mga bata kasi ang panahon kung saan itinuturo sa kanila ang foundational skills o mga kasanayáng mahalaga hanggang sa pagtandâ. Sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, ang pangunahing may-akda ng bagong batas, malinaw daw ang ebidensyang hindi naging epektibo ang mother tongue kahit isang dekada na itong ipinatutupad. Binanggit niyang halimbawa ang kulelat na ranking ng Pilipinas sa mga international performance assessments.
Maraming umalma. Isa sa mga ito ang Kabataan Partylist na nagsabing isang “step backward” o hakbang paurong ang pagtigil sa paggamit ng mother tongue sa mga paaralan. Ayon naman sa manunulat at dating commissioner ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Jerry Gracio, taliwas daw ang batas sa matagal nang sinasabi ng mga eksperto na mas madaling matuto ang mga bata kapag mother tongue ang ginagamit.
Nagbigay ng halimbawa ang Alliance of Concerned Teachers dito. Ang paggamit daw ng mother tongue sa pagtuturo ng pagbabasa at pagsusulat ay mas mainam dahil ito na ang wikang naiintindihan at araw-araw na ginagamit ng mga estudyante. Ang foundational skills na ito ay makatutulong sa pagkatuto ng mga estudyante ng iba pang mga wika at paksa.
Muli, optional na lang ang paggamit ng mother tongue sa pagtuturo. Kung iisipin din kasi, sa mga teknikal na paksa, malaking hamon para sa isang guro ang pagsasalin ng mga konsepto mula sa Ingles, gaya ng “one plus one” sa math o kaya naman “solid, liquid, and gas” sa science. Dagdag pa ang pagsasalin o pagta-translate sa patung-patong na responsabilidad ng mga guro katulad ng paghahanda ng lesson plans, pag-attend ng mga meeting, at pagdalo sa mga seminar.
Pero masusolusyunan naman ito. Ayon sa ilang grupo, imbis na tanggalin ang pagtuturo gamit ang mother tongue, paglaanan dapat ng pondo ang pagbubuo ng mga materyales na magsasanay at gagabay sa mga guro sa pagtuturo gamit ang wikang nakagisnan at nakasanayan ng mga bata. Gaya ng sabi sa Catholic social teaching na Gravissimum Educationis, tulungan dapat ang kabataang paunlarin ang kanilang kaisipan para sila ay mabuhay nang maayos at malaya. Malaking tulong dito ang matuto sila gamit ang wikang alam nila.
Mga Kapanalig, maayos at dekalidad na edukasyon ang kailangan ng mga estudyante sa pagpapaunlad ng kanilang sarili at buhay. Hindi ito mangyayari kung babalewalain ng pamahalaan ang mga paraan upang mas madali silang matuto at kung hindi bibigyan ang mga guro ng sapat na kasanayan at kaalaman sa pagtuturo gamit ang mother tongue. Sabi sa Mga Kawikaan 16:16, “higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.” Sa pagkamit ng karunungan at pag-unawa, susi ang pagkatuto gamit ang wikang naiintidihan ng mga mag-aarál.
Sumainyo ang katotohanan.