15,509 total views
Nangako si Senator Raffy Tulfo na paigtingin ang pagtugon sa pangangailangan ng Filipino migrants.
Ito ang mensahe ng Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers sa kanyang pagbisita sa mga OFW sa Dubai kasabay ng pagdiriwag ng Migrant Workers’ Day.
Partikular ni tinukoy ni Tulfo ang shelter para sa mga Pilipinong nakararanas ng pang-aabuso sa kanilang employers.
“Ang mga kababayan natin na napunta sa shelter ay nakaranas ng matinding krisis tulad ng pagmamalupit at pananakit kaya nararapat lamang na pagdating sa shelter, sila ay maalagaan ng maayos at mabigyan ng komportableng pansamantalang tahanan.” bahagi ng pahayag ni Tulfo.
Pinuri naman ni Tulfo ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagsisikap na mapabuti ang paglilingkod sa mga OFW.
Tiniyak ni Tulfo sa OWWA at DMW na tutulungan itong ipaglabang madagdagan ang pondo sa susunod na budget hearing para sa kapakanan ng Filipino migrants.
Kasama ng senador sa Dubai sina DMW Undersecretary Hans Cacdac, OWWA Administrator Arnel Ignacio, Ambassador Ferdinand Ver, at Philippine Consul General Renator Duenas Jr.
Nakadaupang palad din ng senador sina Maria Emma Lizano, Olive Samson, at Melinda Nulla na mga nagtagumpay sa larangan ng pagni-negosyo sa Dubai.
Sa pakikipagpulong ni Tulfo sa Filipino seafarers sa Middle East tiniyak nito ang patuloy na pagsusulong ng Magna Carta of Seafarers na kasalukuyang nasa ikalawang pagbasa pa lamang ng senado.
Apela ng migrants ministry ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan ang pagpapaigting sa programa para sa sampung milyong migrante na naghahanapbuhay sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.