3,022 total views
Pinaigting ng Caritas Manila ang mabilis na pagtugon sa mga nasasalanta ng bagyong Egay.
Noong ika-30 ng Hulyo 2023, nagsagawa ang Caritas Manila ng relief operations kung saan namahagi ng mahigit 700 Manna bags sa mga nasalanta ng bagyong Egay sa Binangonan, Angono, San Mateo at Montalban sa Rizal.
Sa tulong din ng Social Arm ng Diyosesis ng Antipolo ay nakapagbahagi ng 27 Manna bags sa naiwang pamilya ng mga nasawi sa lumubog na Princess Aya sa Laguna Lake.
Labis naman ang pasasalamat ni Father Edwin Tirado – Parish Priest ng Santo Domingo Parish sa Baranggay Janosa, Talim Island sa Binangonan Rizal sa tulong na ibinagi ng Caritas Manila para mga pamilya ng mga nasawi.
“Talagang bukod sa panalangin na binibigay ng simbahan at encouragement, pagasa yung tulong na pinansyal o anuman na pwede nilang makuha ay very much appreciated kasi sa oras na ito talaga ay kailangan na kailangan talaga nila so lahat ng magbibigay at nagbigay lalo na sa Caritas Manila, maraming-maraming salamat at alam ko matutuwa yung mga naulila simple man ito pero ito ay makakadagdag sa kaliwanagan at pagasa na hinangangad nila sa mga sandaling ito,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Tirado.
Magkasabay ring ipinarating ni Father Alex Miday – Assistant Priest ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Aransazu sa San Mateo Rizal ang pasasalamat at panghihimok sa mga mananampalataya na pakikibahagi sa mga kaparehong inisyatibo ng simbahang upang maibsan ang dinaranas na hirap ng mga nasalanta ng kalamidad.
“Ito ay patuloy natin pakikisa sa misyon ng Panginoon na iangat ang mga nasa abang kalagayan at patuloy na iparamdam sa kanila ang kapangyarihan ng pagi-ibig ng Diyos kung saan dito natin lubos na napanghahawakan na ang Diyos ay tunay ngang emmanuel o kasamahan natin na kasama natin sa anuman ang ating pinagdaraanan,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Father Miday.
Sa datos ng Caritas Manila, 438-Manna Bags ang naipamahagi sa Dambanda ng Aransazu , 90 sa Sacred Heart Parish Binangonan Rizal, 71 naman sa Maria Ina ng Kapayapaan Parish sa Montalban, 65 sa Diocesan Shrine of Saint Clement sa Angono at 27 para sa pamilya ng mga nasawi sa Talim Island.
Naunang nagbigay ang Caritas Manila ng 800-libong pisong cash aid sa apat na dioyesesis at arkidiyosesis sa Northern Luzon na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Bilang tugon sa malaking pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyong, idinaos sa Radio Veritas ang Caritas Manila Damayan – Typhoon Egay Telethon 2023.