289 total views
Mga Kapanalig, sa isang talumpati sa Cotabato City noong ika-18 ng Enero, nasabi ni Pangulong Duterte na bukás siyang amyendahan na lamang ang ilang probisyong pang-ekonomiya sa ating Saligang Batas. Ang konteksto ng kanyang pahayag ay ang kanyang pagkadismaya umano sa napakabagal na pag-usad ng usaping pagbabago ng sistema ng pamahalaan tungo sa pederalismo.
Sa mga nagtatanong kung isinusuko na ba ng pangulo ang pagtutulak sa pagpapalit ng uri ng gobyerno tungo sa pederalismo, ang kanyang tagapagsalita ay muling nagtangkang ipaliwanag ang tunay na ibig sabihin ng pangulo. Ang sabi ng tagapagsalita, humahanap lamang daw ng malikhaing paraan ang pangulo upang baguhin ang Saligang Batas, subalit ang papapalit pa rin daw ng uri ng pamahalaan tungo sa pederalismo ang kanyang layunin.
May dalawang mahalagang bahagi ang paliwanag na ito na nainam na suriin bilang mga mamamayang Kristiyano. Una, kung totoong itinutulak pa rin ng pangulo ang pagbabago ng Saligang Batas upang itatag ang isang pederal na sistema ng pamamahala, nararapat lamang niyang liwanagin kung sinasang-ayunan ba niya ang kasalukuyang bersyon ng panukalang Saligang Batas na inilabas ng Mababang Kapulungan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Sinasabing inaalis sa bersyong iyon ang term limits sa panunungkulan ng mga halal na opisyal, at hindi rin nito ipinagbabawal ang matagal nang tinututulan ng taumbayan na mga political dynasties. Taliwas ito sa rekomendasyon ng Consultative Committee na itinalaga mismo ni Pangulong Duterte upang repasuhin ang Saligang Batas ng 1987. Hindi pa nagpapahayag hanggang ngayon ng tahasang pagtutol o pagsang-ayon ang Pangulo sa mga usapin tungkol sa term limits at political dynasties, mabibigat na mga usaping magiging malaki ang implikasyon sa lalo pang pagpapahina ng demokrasya sa ating bansa. Kung layunin ng pamahalaang ituloy ang pagbabago tungo sa pederalismo, bakit hindi hayagang pag-usapan at kilatising mabuti ang mga panukalang nakasalang ngayon, isa rito ang resolusyong inilabas ng Mababang Kapulungan?
Ikalawa, kung ang sinasabi ng tagapagsalita ng pangulo ay inuuna muna ng pangulo ang pagtutulak ng mga economic provision” na nais niyang baguhin, at ipinapalagay na isa na rito ay ang mga probisyong naglilimita sa mga dayuhang pamumuhunan, o foreign investments, bakit hindi hayagang ipinaliliwanag kung anu-ano ang mga nais baguhin upang mapag-aralan, mapag-usapan, at mapagdebatehan ang mga ito ng mga mamamayan.
Tulad ng ginawang pagbubuo ng Mababang Kapulungan ng sariling bersyon nito ng panukalang Saligang Batas na hindi dumaan sa malawak na pagtatalakayan at pag-aaral ng mga mamamayan, hindi kaya ganito rin ang maaring gawin patungkol sa pagbabago ng mga economic provisions? Baka mabulaga na lamang ang taumbayan na may desisyon na ang mga tinaguriang mga kinatawan nila ukol sa economic provisions, subalit hindi man lamang naipaalam ng mga mamamayan ang kanilang paninindigan ukol sa mga ito sapagkat hindi naman ito hayagang pinag-uusapan.
Lubhang mapanganib ang ganitong uri ng pagpapasyang hindi binibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayang makilahok at hindi isinasaalang-alang ang paninindigan at kagalingan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Taliwas din ito sa itinuturo ng ating Simbahan. Bagama’t hindi tahasang ipinagbabawal ang pakikilahok ng mga mamamayan sa isyu ng Cha-cha, ang pagkukubli sa mga mamamayan ng tunay na layunin ng mga namamahala, ang kawalan ng hayagan at malawak na talakayan ng mga panukalang batas, at ang mabilisang pagpapasya ng mga gumagawa ng mga batas nang kulang ang impormasyong ipinaaabot sa tao ay para na ring pagkakait sa mga mamamayan ng kanilang karapatang makilahok sa buhay pampulitika at panlipunan ng bansa.
Mga Kapanalig, hinihingi ng mga panahong ito ang ating pagiging mulát at alisto bilang mga Kristiyanong mamamayan. Tungkulin nating alamin at lahukan ang mga usaping magtatakda ng kinabukasan ng demokrasya sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.